MANILA, Philippines – Hinihiling ng legal team ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang pansamantalang pagpapalaya sa kanya mula sa International Criminal Court (ICC) prison sa The Hague, Netherlands, dahil wala umanong dahilan para ikulong siya habang nililitis ang kaso.
Ayon kay Atty. Silvestre Bello III, maaari nilang iuwi si Duterte sa Pilipinas tuwing may recess ang korte. Dagdag pa niya, walang dahilan para tumakas si Duterte dahil kilala siya ng publiko.
Balak din ng legal team, na binubuo ng mga dating opisyal tulad nina Salvador Medialdea at Cesar Dulay, na kuwestyunin ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas. Sinabi nilang kailangan nilang paghandaan ang depensa at pag-aralan ang mga proseso ng ICC.
Ayon sa ICC, may hurisdiksyon sila sa mga krimeng naganap mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019, sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2019. Sa kasalukuyan, lima lang na Pilipinong abogado ang rehistradong ICC counsels.
Samantala, binigyang-diin ni Atty. Gilbert Andres, kinatawan ng mga biktima ng drug war, na ang pagharap ni Duterte sa paglilitis ay patunay na walang sinuman ang nasa itaas ng batas at darating ang araw ng katarungan para sa lahat. RNT