Home NATIONWIDE Panukalang magpapalakas sa parent-teacher community associations, pasado na sa Kamara

Panukalang magpapalakas sa parent-teacher community associations, pasado na sa Kamara

MANILA, Philippines – Lusot na sa House of Representatives amg House Bill 9670, ang panukala na magtatakda at magpapalakas sa tungkulin ng Parent-Teacher and Community Associations (PTCA) para sa pangkalahatang pagpapaunlad ng mga bata.

Sa botong 202 pabor at walang pagtutol ay pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala, layon nito na amyendahan ang Presidential Decree (PD) No. 603 o ang Child and Youth Welfare Code.

“Promoting the welfare and protecting the rights of children is one of our utmost priorities in terms of legislation and we hope to achieve this through the passage of this bill. We acknowledge the reality that it takes a village to raise a child so through this bill, we aim to harness collaboration among parents, teachers, school officials, and the communities, in ensuring that the welfare and rights of children are protected at all times,” pahayag ni House Speaker Martin Romualdez matapos maipasa sa plenaryo ang panukala.

Sa oras na maisabatas ay magbibigay daan ito para maitatag ang early child development center sa mga basic education school.

Ioorganisa ito ng PTCA na bubuoin ng mga magulang, parent-substitutes, guro, community development workers, at iba pang sektor.

Sa ilalim ng HB 9670, ang PTCA ay makikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan ng lalawigan, lungsod, munisipalidad, at school officials sa pagtataguyod ng adbokasiya at pagpapatupad ng mga programa na magtatanggol sa karapatan at mangangalaga sa kapakanan ng mga bata, gayundin ang paglikha ng programang makakatulong sa kanilang pag-unlad.

Bahagi din ng tungkulin ng PTCA ang pagtiyak ng pakikipagtulungan ng mga magulang, parent-substitutes, mga guro, at grupo sa komunidad; pakikipag-ugnayan sa mga bata, sa pamamagitan ng student councils, magulang, parent-substitutes, at samahang pangkabataan sa pagpaplano ng mga naangkop na programa, proyekto at mga gawain.

Sinabi ni Romualdez na ang PTCA ay magiging daan para sa mga stakeholder na magdisenyo ng mga naaangkop na programa, talakayan, at magrekomenda ng hakbang o solusyon; at suportahan ang pagpapatupad ng mga patakaran sa pangangalaga sa mga bata sa mga paaralan at pamayanan. Gail Mendoza

Previous articleLalaki sa Sulu, tiklo sa P3M shabu
Next articleTulak kalaboso sa P2M shabu