BINAGO ng Civil Service Commission (CSC) ang patakaran nito sa kwalipikasyon sa edukasyon upang mabigyang-daan ang mga nagtapos ng junior high school (Grade 10) at senior high school (Grade 12) na makapasok sa serbisyo publiko.
Saklaw ng bagong patakaran ang mga first-level position sa gobyerno, gaya ng mga trabahong clerical, trades, crafts, at custodial work o mga tungkuling itinuturing na subprofessional at hindi nangangailangan ng pamamahala o mataas na antas ng edukasyon.
Ayon sa CSC Resolution No. 2500229 na pinagtibay noong March 6, 2025, ang pagbabago ay ginawa upang umayon sa sistema ng K-to-12 Basic Education Program at kilalanin ang kakayahan ng mga kabataang nagtapos sa bagong kurikulum.
Nilinaw rin ng CSC na hindi saklaw ng bagong panuntunan ang mga posisyong nangangailangan ng tiyak na degree sa kolehiyo o lisensyang propesyonal, gaya ng mga regulated professions sa ilalim ng mga board law. Kailangan pa ring matugunan ng aplikante ang iba pang kwalipikasyon tulad ng kaugnay na pagsasanay, karanasan, at eligibility bago maitalaga sa isang posisyon.
Kabilang sa mga binagong probisyon ang:
– Mula sa dating “high school graduate” ay pinalawak na ito upang isama ang “mga nagtapos ng junior high school simula 2016”; at
– Ang requirement na “nakapagtapos ng dalawang taon sa kolehiyo” ay binago na upang isama ang mga senior high school graduates, lalo na yaong nagtapos sa technical-vocational-livelihood (TVL) track o anomang kaugnay na vocational/trade course.
Layon ng reporma na palawakin ang oportunidad sa kabataang Filipino na makapasok sa gobyerno, lalo na sa harap ng kakulangan sa manpower sa burukrasya at tumataas na unemployment rate, na pumalo sa 3.9 percent nitong March 2025, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Dagdag pa rito, iniulat ng PSA na mahigit 6.4 million manggagawa ang under employed o may trabaho ngunit naghahanap pa ng karagdagang oras o kabuhayan.
Bumaba rin ang bilang ng wage and salary workers, na indikasyon ng pagbaba ng kalidad ng mga trabaho sa bansa.
Sa pagbabagong ito, umaasa ang CSC na mas maraming Pilipino, lalo na ang kabataang nagtapos ng K-to-12, ang makakahanap ng makabuluhang trabaho sa pamahalaan.






