WALA mang paligsahan, kapag may nakitang kakaiba o bago sa paningin sa social media, sa telebisyon at sa kung saan-saan pa, sabi kaagad ng mga utaw (tao) “Uwian na! May nanalo na!”
Sa Philippine National Police, wala pa mang iniaanunsyo na napili si Pangulong Ferdinand Marcos na papalit kay PGen. Rommel Francisco Marbil, ay may mga iniaanunsyo na ang mga publicist ng mga kandidato para pumalit bilang Chief PNP.
Pero ang pinakamatindi ay ang kumakalat na humihingi ng 2nd extension si Marbil na dapat ay retirado na noong Pebrero 7 subalit nabigyan ng apat na buwang extension kaya nakatakdang magretiro sa Hunyo 7.
Mahusay ang PR nitong si Marbil sapagkat pinalalabas na magulo ang Pilipinas kaya kailangang bigyan siya ng isa pang pagkakataon na makapagserbisyo sa PNP.
Wala raw pwedeng pagkatiwalaan ang Pangulo sa panahon na nag-aalburuto ang mga tao kabilang na rin ang mga pulis na ipinakita ang kanilang disgusto sa namumuno sa bansa sa pamamagitan ng kanilang pagboto.
Aba, lalong nagalit ang mga pulis sa hinihinging ekstensyon ni Marbil. Anila, “Siya lang ba ang magaling? Siya lang ba ang tapat sa Pangulo?”
Mas magiging magulo, anang isang retiradong pulis, kapag pinagbigyan ang kahilingan ni Marbil para sa ikalawang pagpapalawig ng kanyang termino.
Giit pa nitong opisyal na retirado, ang daming palpak ni Marbil kaya hindi na dapat itong pagbigyan pa ng Pangulo na muling pangunahan ang PNP.
Hindi ba nakita ng Pangulo ang resulta nang pagboto ng mga miyembro ng PNP? Aba’y basambasa ang papel ni Marbil kaya nga dapat ay ito ang unang hiningian ni PBBM ng “courtesy resignation.”
Hindi nga niya naipanalo sa mga pulis ang mga kandidato ng Alyansa ng Bagong Pilipinas sapagkat’bwisit’ sa kanya mismo mga tauhan niya sa PNP.
Kasi nga, hindi lang naman isa ang palpak na kanyang ginawa on desisyon subalit napakarami na. Sa panahon ng kanyang panunungkulan, ilang kaso na ba ng kidnapping ang nangyari kaya naman todo-todong batikos ang natanggap niya?
Ilang pahayag na ba niya ang binatikos ng mga tao lalo na sa social media? Isang patunay na rito ang sinabi niyang “Kaya marami ang nagdodroga ay upang manatiling gising dahil sa kanilang trabaho.”
At kasalanan pa ng trabaho ng tao kung bakit nagdodroga upang manatiling gising. Ewan ko ba kung bakit nakapasa siyang PNP chief.
Sabagay, hindi na masyadong nagsasalita si Marbil at ipinasa na lang ng todo sa kanyang spokesperson na si PBGen Jean Fajardo ang anomang pahayag bilang hepe ng Pambansang Pulisya.
Pero tila desidido na si Pangulong Marcos na magtalaga ng panibagong chief PNP kapalit ni Marbil at mapupuna ito sa kanyang pahayag kaugnay sa ‘proactive, intensified and strategic police visibility.’
Gusto ni PBBM na ipatupad ang Five Minute Response o FMR kung saan sa loob ng limang minuto kailangang nasa lugar nan ang pinagyarihan ang response team ng PNP.
Ay parang may pattern na. Di ba, nagawa na yan sa Quezon City? Ang tema pa nga ay ‘Three Minute Response’ o TMR. Hindi kaya may nanalo na? May nakakuha na ng atensyon ng Pangulong Marcos? Aba’y kung ganoon, may nanalo na kaya uwian na agad ang mga talunan?
Pero hangga’t walang inilalabas na anunsyo ang Palasyo, lahat ng contender para maging hepe ng PNP, ay may laban pa rin. Kaya ang mga may mahuhusay na publicists, huwag mabibigla kung ang maiupo ay tahimik lang sa gilid-gilid at nagmamasid lang sa mga kalaban na panay ang porma at pa-impress para mapansin ng Pangulo.






