MANILA, Philippines – Sinabi ng isang opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Biyernes, Abril 19 na plano nilang maglabas sa susunod na buwan ng supplemental guidelines sa sertipikasyon ng vape products na ibinibenta sa bansa.
Ayon kay Trade Assistant Secretary Amanda Nograles, idedetalye sa guidelines ang mga regulasyon sa ilalim ng
mandatory registration at certification ng vape products na magsisimula sa Hunyo.
“What we want here is to have a mandatory product certification and registration where all the rules are aligned,” ani Nograles.
Dagdag pa niya na nagsagawa sila ng public consultation kaugnay nito at kinokolekta na lamang ang mga feedback na natanggap nila sa mga stakeholder.
Ani Nograles, ang mga panuntunan ay kailangan lalo’t ang vape products na hindi dumaan sa registration at certification ay hindi na papayagan na i-import o ibenta sa bansa.
Ang Republic Act No. 11900, o Vape Act, ay isinabatas noong Hulyo 2022 habang ang implementing rules and regulations nito ay inilabas Disyembre ng kaparehong taon.
Sa ilalim ng batas, ang pamahalaan ang magreregulate ng importasyon, manufacture, pagbebenta, packaging, distribution, paggamit at komunikasyon ng mga device at produkto.
Binigyan ng kapangyarihan ang DTI na magsertipika ng mga device habang ang responsibilidad sa regulasyon ng
consumables ay joint responsibility kasama ang Food and Drug Administration.
Hanggang ngayon, ang Bureau of Philippine Standards ng DTI ay may laboratoryo sa Cavite na kayang makapag-handle ng testing procedures para sa vape device at batteries.
Para sa vape consumables, umaasa ang pamahalaan sa accredited third-party laboratories sa pagsasagawa ng testing.
Noong nakaraang buwan, sinabi ng DTI na nasa P6 milyong halaga ng uncertified vape products ang nasamsam nila mula nang maipasa ang batas. RNT/JGC