Home METRO Top 3 at 4 MWP nalambat sa hiwalay na anti-criminality ops sa...

Top 3 at 4 MWP nalambat sa hiwalay na anti-criminality ops sa Las Piñas

MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Warrant & Subpoena Section (WSS) at Station Intelligence Section (SIS) ang Top 3 Most Wanted Person (MWP) ng Southern Police District (SPD) at Top 4 naman ng Las Piñas City police sa isinagawang anti-criminality operation Biyernes ng gabi, Abril 19.

Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay D. Tafalla ang dalawang arestadong suspects na sina alyas Marion, 38, tinaguriang No. 3 most wanted person ng SPD sa buwan ng Abril 2024; at No. 4 MWP naman ng Las Piñas City police na si alyas Mak, 40.

Base sa report na isinumite ni Tafalla sa SPD, unang nadakip si alyas Marion dakong 7:00 ng gabi sa Barangay Almanza Dos, Las Piñas City.

Sa bisa ng warrant of arrest ay hinuli si alyas Marion dahil sa kinahaharap nitong tatlong kaso ng sexual assault sa ilalim ng Criminal Case No. 24-0202, 24-0203, at 24-0204.

Ang mga nabanggit na arrest warrants laban kay alyas Marion ay inisyu noong Marso 18, 2024 ni Presiding Judge Mildred Jacinto Marquez ng Las Piñas City Family Court Branch 2 na may rekomendasyon na piyansa sa halagang ₱600,000.

Ayon kay Tafalla, sumunod naman na inaresto bandang alas 8:30 ng gabi si alyas Mak sa Barangay Pulang Lupa Uno dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Ang pag-aresto kay alyas Mak ay bunsod na rin sa bisa ng warrant of arrest na may Case Number 22-0435 na inisyu ni Las Piñas City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Anne Beatrice Aguana ng Branch 200 nitong nakaraang Marso 12, 2024.

Kasalukuyang nakapiit ang dalawang suspects sa custodial facility ng Las Piñas City police habang naghihintay ng commitment order ng korte para sa paglilipatan ng kanilang pagkukulungan sa Las Piñas City jail. James I. Catapusan