MANILA, Philippines – Kinondena ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang ipinataw na parusa ng China laban kay dating Senador Francis Tolentino, na tinawag niyang “hindi makatarungan.” Hinikayat niya ang Department of Foreign Affairs (DFA) na ipatawag ang Chinese Ambassador Huang Xilian upang magpaliwanag.
“Former Senate Majority Leader Francis Tolentino was well within his mandate when he pursued—duly supported by his colleagues in Congress, myself included—two landmark measures that had the full backing of the President: the Philippine Maritime Zones Act and the Philippine Archipelagic Sea Lanes Act,” pahayag ni Estrada.
“His actions were fully aligned with our democratic processes and legal frameworks,” giit pa ng senador.
Ipinagbawal si Tolentino na makapasok sa China, Macao, at Hong Kong dahil sa kanyang papel sa pagsusulong ng Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act. Depensa ni Estrada, legal at suportado ng Pangulo ang mga batas na ito.
Binatikos din ni Estrada ang patuloy na pananakot ng China sa West Philippine Sea, sa kabila ng panalo ng Pilipinas sa arbitral ruling noong 2016. “Nakakahiya ang ginagawa ng China,” ani Estrada, at giit niyang hindi dapat ituring na “egregious conduct” ang pagtatanggol sa karapatan ng bansa.
Tinawag pa niya itong banta sa katatagan ng rehiyon, at nagtanong kung isasama rin ba ng China sa parusa ang Pangulo na lumagda sa batas.
Samantala, sinabi ni Tolentino na itinuturing niyang “badge of honor” ang ipinataw na sanction para sa pagtatanggol sa karapatan ng mga Pilipino sa West Philippine Sea. RNT