Home OPINION PASOK LAHAT SA MATAGALANG KULONG

PASOK LAHAT SA MATAGALANG KULONG

290
0

KUNG SESERYOSOHIN ng pamahalaang Marcos at Senado ang mga anomalya sa anti-flood projects, malamang na mahaharap ang maraming mambabatas, ilang taga-Malakanyang at iba pa sa mga kasong hindi lang graft and corruption kundi pandarambong o economic sabotage.

Kung mapatutunayang nagkasala sa graft and corruption ang isang taong gobyerno at kasabwat nitong sibilyan, aabot sa maksimum na 10 taon ang pagkabilanggo nila sa mga mabibigat na kaso rito.

Mula 20 taon at isang araw hanggang 40 taon naman ang pagkabilanggo nila sa ilalim ng pandarambong na may parusang reclusion perpetua.

Karaniwan namang life imprisonment o habambuhay na pagkakulong ang ipinapatay na parusa sa economic sabotage.

GHOST AT SUBSTANDARD PROJECTS

Sa ngayon, nasa P350 bilyong halaga ng anti-flood projects ang kinakalkal ng Malakanyang at Senado.

Dito nagsisilitawan ang mga ghost at substandard project.

Pinakamadaling kasuhan ang mga sangkot sa ghost o guni-guning project.

Ito ang mga iniuulat sa mga kinauukulan na kompleto na ang pagkakagawa ng mga proyekto ngunit sa papel lamang.

Sumunod ang mga iniuulat na kompleto na ngunit natatagpuang putol-putol o baha-hagi lang ang mga nagawa.

Madali ring makita ang mga klarong substandard o mahihinang klase kaya madaling masira at may nakikita nang mga sira.

Mayroon pang hindi madaling makita.

‘Yun bang === paghahalukay ng mga putik, burak at basura at walang nakaaalam kung tinanggal talaga ang mga ito at itinapon sa dapat pagtapunan.

OVERPRICING AT IBA PA

Kung makitang may maganda namang proyekto, hindi rin basta palagpasin ito dahil may mga prosesong dapat halukayin din gaya ng overpricing ng mga materyales at mismong kontrata.

Kapag sinabi ng bids and awards committee na maganda ang presyo, kabahan ka na dahil everybody happy riyan.

Kasama rito ang mga makina o buong sistema ng waterpump station na posibleng may overprice.

Kapag bago sumapit ang ilang taong alawans para masabing hindi substandard ang proyekto at sunod-sunod ang mga repair dito, dapat na ring tumingin dito ang mga imbestigador.

Iitsapwera lang ang imbestigador na pinepera ang imbestigasyon at maging ang mga asawa o malapit na kamag-anak ng taga-Commission on Audit na posibleng kontraktor din sa mga anti-flood project.

NOSI BALASI?

Magandang pakinggan na mismong si Pang. Bongbong ang nagsasabing makukulong ang mga sangkot sa mga anomalya.

Pero sino-sino kaya ang mga posibleng makulong?

Lumilitaw na madaling matukoy ang mga ordinaryong kontratista.

Eh, ang mga nagsulong ng mga proyekto mula sa Kongreso o Malakanyang kaya?

Nosi balasi, sino ba sila?

Dapat na seryosong tingnan ang bintang ni Senador Ping Lacson na may mga funder o tagabigay ng pondo sa mga proyekto mula sa Kongreso at Palasyo at may 20-25 porsyento agad ang mga ito sa mga multi-bilyong proyekto.

Baka wala ni sinoman sa mga ito ang makukulong!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here