MANILA, Philippines – Patuloy na tumataas ang bilang ng mga namamatay sa leptospirosis sa Bulacan at Bicol region.
Naitala ang anim na nasawi sa leptospirosis sa Bicol.
Sa Bulacan naman ay umakyat sa 14 ang bilang ng nasawi dahil sa naturang sakit, mula sa lima lamang noong nakaraang linggo, ayon sa pinakabagong ulat ng Bulacan Provincial Health Office (PHO).
Ayon kay PHO chief Edwin Tecson, ang siyam na bagong nasawi ay mula Agosto 11 hanggang 21, pinakamataas ay sa Meycauayan na may tatlong nasawi.
Sinundan ito ng tig-dalawa mula City of San Jose del Monte at Obando.
May tig-iisa ring nasawi mula saBalagtas, Bulakan, Calumpit, Guiguinto, Hagonoy, Marilao at Pandi.
Bago rito, naitala lamang ng PHO ang limang nasawi mula nang magsimula ang taon na nangyari sa pagitan ng Hunyo at Agosto.
Ang kabuuang bilang naman ng kaso ng leptospirosis sa probinsya mula Enero 1 hanggang Agosto 21 ay tumaas sa 146, o 68-percent increase kumpara sa 87 kaso na iniulat sa kaparehong panahon noong 2023.
Lumawak din ang mga apektadong edad mula 7 hanggang 59 anyos, sa ngayon ay nasa edad 5 hanggang 81 na. RNT/JGC