MANILA, Philippines- Hindi nagpahuli si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibahagi ang mga Halloween ghost stories na naranasan at nangyayari sa Palasyo ng Malakanyang.
Sa Facebook video, inalala ng Pangulo ang pangyayari noong siya ay bata pa at ang kanyang ama ang Pangulo ng Pilipinas noong panahon na iyon.
Aniya, siya ay nasa isa sa guest rooms malapit sa tate dining room (ngayon ay kwarto kung saan ginaganap ang Cabinet meetings”) ay aksidente niyang nabuksan ang pintuan.
“Gabing-gabi na. Umuwi ako. Sinasara ko lang ‘yung pintuan mula du’n sa kwarto ko. Pagbukas ko ba naman ng pintuan, nakita ko biglang gumalaw ‘yung mga upuan,” pagbabahagi ng Pangulo.
“‘Di nagsisisigaw ako dito at tumakbo ako… Sinabi ko sa security, ‘May multo, may multo!'” dagdag na kwento ng Pangulo.
Sa pagkakataong iyon, sumali ang kanyang anak na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos at nagsabi na, “I still find that hard to believe.”
“Ay nako. It’s true,” giit ng Pangulo.
Sinabi naman sa kanya ng security staff na si “Father Brown” lamang iyon.
May pagkakataon pa aniya na ang mga security personnel ay natulog sa banig na inilatag ng mga ito sa hall habang sumasailalim sa renovation ang hall.
Nagkuwento ang mga ito tungkol kay Father Brown, sinasabing “multo” na ginising sila mula sa kanilang pagkakatulog.
Sinabi pa ng Pangulo na tinitingnan nila ang kasaysayan ng Palasyo at totoo nga, mayroong Father Brown na nagtrabaho noong panahon ng mga Amerikano.
“At mukhang hindi na umalis,” ayon sa Pangulo.
Samantala, ibinahagi rin ng Pangulo ang kwento ng pintuan na sinasabing kusang bumubukas-sara at chandeliers na gumagalaw kahit walang ihip ng hangin.
Naramdaman din aniya niya ang mga nakatitindig-balahibo na may naglalakad at umaakyat sa tinatawag na “formal stairs” ng Palasyo lalo na sa gabi.
Pakiramdam aniya ay may nanonood sa kanyang likuran.
“Paatras tuloy ako paakyat dahil nakakatakot. Dahil alam niyo naman kung minsan pag naglalakad ka nararamdaman mo ‘pag may nakatingin sayo o may sumusunod sayo,” ayon sa Pangulo. Kris Jose