Home OPINION PBBM MABILIS TUMUGON SA MGA APEKTADO NG KALAMIDAD

PBBM MABILIS TUMUGON SA MGA APEKTADO NG KALAMIDAD

GOBYERNONG may tunay na malasakit sa kalagayan ng nakararaming kababayan ang ginagawa ngayon ng kasalukuyang administrasyon lalo na sa panahon ng kalamidad kung saan agarang nakararating ang tulong sa mga apektadong pamilya.

Kagaya nitong nakalipas na pananalasa ng “Bagyong Egay” (International Name: Doksuri) na mabilis pa sa kisap-mata na nakaabot sa mga tinamaan ang ayuda nang iba’t-ibang ahensya sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development kabilang ang family foodpacks, hygiene at sleeping kits, family tents at iba pa.

Habang binabayo ng mala-delubyong kalamidad ang mga lugar mula sa Ilocos,Cagayan Valley,Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Eastern at Central Visayas, Davao Region, Soccsksargen at Cordillera Administrative Region, ay abala naman ang mga kawani ng ahensya sa paghahatid ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga naapektuhang indibidwal na nasa loob at labas ng mga evacuation center.

Nakatutok din si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa bodega ng National Resources Operation Center upang agarang maibiyahe ng mga dambuhalang trak na kargado ng mga pagkain patungo sa mga sinalanta ni Egay.

Kasabay din na tinawagan ng kalihim ang mga lokal na opisyal ng mga apektadong lugar para alamin ang iba pang pangangailangan nilang sadyang ramdam ng mamamayan na may gobyernong kumakalinga sa kanila sa gitna na krisis na dumarating.

Binisita rin ni  Gatchalian ang mga lugar sa Norte upang makipagpulong sa mga gobernador at mayor kasabay nang pamamahagi ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng Emergency Cash Transfer sa mga pamilyang tinamaan ng Bagyong Egay.

Maging si Pangulong Bobgbong Marcos na nasa Malaysia noong pananalasa ng bagyo at pagbayo ng habagat ay nakatuon sa mga kaganapan sa ating bansa upang masegurong lahat ng ahensya ay gumagalaw para maiparating sa sambayanan ang ayudang kinakailangan.

Batay sa talaan,umabot na sa P275 milyon humanitatarian assistance ang ipinamigay sa mga nasalanta ng mga kalamidad na ang DSWD pa rin ang nangungunang ahensya kaugnay sa tulong na ipinamahagi sa mga apektadong kababayan.

Kaya naman kahit pansamantalang inilubog ni Egay ang libo-libong pamilya, maliwanag pa sa sikat ng araw ang kanilang pagbangon mula sa krisis bunsod nang pagkakaroon ng gobyernong tunay na nagmamalasakit at umaalalay sa panahon ng ganitong hamon ng buhay.