MANILA, Philippines — Mahigit 12 milyong Pilipino na ang nakinabang sa programang P20 kada kilong bigas ng pamahalaan, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address nitong Lunes.
“Patuloy pa rin ang programang ‘Benteng Bigas, Meron Na’. Ito’y nakakapagbigay-ginhawa sa mahigit labing-dalawang milyong Pilipino sa buong bansa,” ani Marcos.
Nagbibigay ang “Benteng Bigas, Meron Na!” ng subsidized rice sa mga senior citizen, person with disability, solo parent, minimum wage earner, public transport worker, indigent, at mga rehistradong magsasaka at mangingisda.
Kinukuha ang bigas mula sa stocks ng National Food Authority na direktang binibili sa mga lokal na magsasaka, habang ang subsidy ay ipinadaraan sa Food Terminal Inc.
Mula nang ilunsad noong Mayo ng nakaraang taon, umabot na sa ₱2.4 bilyon ang benta ng programa at nakatulong upang lumampas sa ₱4 bilyon ang kabuuang benta ng mga KADIWA ng Pangulo store, ayon sa Department of Agriculture.
Sinabi rin ni Marcos na nakapamahagi ang pamahalaan ng 26,000 metric tons ng bigas sa 2.5 milyong pamilya at palalawakin pa ang programa upang makinabang ang hanggang walong milyong pamilya.
“Sa panahon na lumiit ang kita dahil sa mataas na mga presyo, mahigit dalawampu’t anim na libong toneladang bigas ang binigay sa mahigit dalawa’t kalahating milyong pamilya. At ito’y itutuloy pa natin hanggang umabot sa walong milyong pamilya ang makikinabang,” giit pa niya.
Idinagdag ng Pangulo na halos dalawang milyong magsasaka at mangingisda ang nakatanggap ng tulong sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families sa kasagsagan ng mataas na presyo ng langis.
“Nagbigay din tayo ng suporta sa halos dalawang milyong magsasaka at mangingisda sa kasagsagan ng mataas na presyo ng langis, sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families o ‘yung tinatawag na PAFFF,” anang Pangulo. RNT