MANILA, Philippines- Libo-libong kilo ng tulingan o mackerel ang ipinamahagi nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Manila Mayor Honey Lacuna sa mga residente ng Baseco Compund sa Tondo nitong Sabado ng umaga.
Nabatid na ang mga nasabing ipinamigay na tulingan ay nagmula sa mga nakumpiska mula sa mga ismagel na kargamento.
Pinasalamatan naman ni Mayor Lacuna si Pangulong Marcos dahil una nitong naiisip ang mga Manilenyo sa tuwing mamahagi ng tulong ang pambansang pamahalaan.
Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na bawat kahon na ibinibigay ay mayroong dalawang kilo ng frozen mackerel o tulingan.
Ayon kay Mayor Lacuna, ang Maynila ay may mahusay na proseso na napapadali ang pagtukoy sa mga benepisyaryo at pagtitipon sa kanila para sa madali at mabilisang pamamahagi.
“Hindi po matatawaran ang malasakit na ipinapakita ni Pangulong Bongbong Marcos sa ating mga Manileño. Ang bawat kahon ng isdang ito ay hindi lang pagkain, kundi simbolo ng pagkalinga ng ating pamahalaan sa mga Manileño. Hindi matitinag ang Maynila sa pagsusulong ng bayanihan at pagkakaisa para sa kapakanan ng bawat pamilyang nangangailangan,” ani Lacuna.
Pinasalamatan din ni Lacuna sina Cabinet Secretaries Rex Gatchalian, Jonvic Remulla, at Francis Tiu Laurel.
Tiniyak naman ni Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel sa mga benepisyaryo na ang mackerel ay ligtas para sa pagkain ng tao. JR Reyes