Home NATIONWIDE PhilHealth: Patuloy na benepisyo, serbisyo tuloy sa kabila ng ‘zero subsidy’

PhilHealth: Patuloy na benepisyo, serbisyo tuloy sa kabila ng ‘zero subsidy’

MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Health (DOH), bilang supervising agency ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), na ang mga benepisyong pangkalusugan ng national health insurance agency ay magpapatuloy “mayroon o wala” mang subsidy mula sa paparating na General Appropriations Act.

Ang lahat ng inpatient, outpatient, at mga special benefit packages ay mananatiling available, idinagdag nito.

Ang pahayag na ito ng DOH ay bilang tugon sa desisyon ng Senado na maglaan ng zero subsidy para sa PhilHealth sa ilalim ng 2025 national budget.

Sinabi ni DOH Secretary and Chair of the PhilHealth Board Teodoro J. Herbosa na trabaho ng PhilHealth na bayaran ang mga benepisyong pangkalusugan ng mga miyembro nito mayroon man o walang subsidy.

Sinabi ng DOH na kumpiyansa ang PhilHealth na may sapat na pondo para magpatuloy at mapahusay ang paghahatid ng benepisyo sa susunod na dalawa hanggang tatlong taon.

Nabatid na ang kabuuang paggastos sa benepisyo noong 2023 ay nasa P74 bilyon. Mula Enero 1 hanggang Setyembre 30, 2024, na may tatlong natitirang buwan na lamang hanggang sa katapusan ng taon, ang paggastos sa benepisyo ay tinatayang nasa P135 bilyon.

Sa pagtatapos ng Calendar Year 2023, ang naipong netong kita ng PhilHealth ay P463.7 bilyon.

Alinsunod sa Universal Health Care Act, nakakuha ang PhilHealth ng Reserve Fund na P280.6 bilyon, sapat para sa dalawang taong benepisyo at iba pang gastos sa pagpapatakbo.

Sa simula ng 2024, iniulat ng ahensya ang labis na balanse ng pondo na hindi bababa sa P183.1 bilyon

Binanggit ng DOH na mula noong Agosto, inaprubahan ng PhilHealth Board ang mga bago o pinahusay na benefit packages para sa hemodialysis, peritoneal dialysis, dengue, PhilHealth Konsulta, at atake sa puso.

Inaprubahan din nito ang pagpapatupad ng mga benepisyo para sa mga bihirang sakit, kalusugan sa bibig/dental, pisikal na gamot at rehabilitasyon, kabilang ang mga pantulong na kagamitan tulad ng mga wheelchair, at kidney transplantation.

Inaasahan din na maaprubahan ang lima pang bago o pinahusay na benepisyo bago ang Christmas break, kabilang ang para sa pangangalagang pang-emerhensiya, salamin ng mga bata, isa pang round ng pagtaas sa case rate, open heart surgery, heart valve repair o replacement, at cataract extraction lalo na sa mga bata. Jocelyn Tabangcura-Domenden