MANILA, Philippines – Prayoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang maghatid ng resulta na mararamdaman ng taumbayan at hindi ang pagtuunan ng pansin ang politika bago pa ang 2028 elections.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na inilalayo na ni Pangulong Marcos ang kanyang sarili mula sa political distractions, binigyang diin ang kanyang commitment na mag-pokus sa pamamahala sa panahon ng kanyang six-year term.
“Ibig sabihin niyan po ay ang Pangulo po ay concentrated sa kaniyang pagta-trabaho para maibigay ang nararapat sa taumbayan. Hindi pa po namumulitika ang Pangulo. Hindi po namumulitika ang Pangulo,” ayon kay Castro,.
Sa kabilang dako, ayon sa survey, may 31.4% ng 1,418 respondents ang nagpahayag ng suporta sa posibleng presidential bid ni Vice-President Sara Duterte.
Sinabi ni Castro na mas makabubuti na pag-usapan ang mga plano ni Pangulong Marcos para sa bansa kaysa sa talakayin ang mga mga usaping pampulitika.
“At siguro ang eleksyon, 2028 pa po iyan. Saka na natin pag-usapan. Pagtuunan po natin at pinagtutuunan ng Pangulo ang pagtatrabaho para sa taumbayan,” ayon kay Castro.
Winika pa ni Castro na ginugugol ni Pangulong Marcos ang karamihan sa kanyang oras sa pagbyahe sa buong bansa lalo na sa panahon ng kalamidad at sa ibang bansa upang maka-secure ng mas maraming investments.
Idinagdag pa ni Castro na mas magiging abala pa ang Pangulo habang ang bansa ay naghahanda para sa pagho- host sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa 2026.
“Malaki po ang magagastos talaga dahil po tayo ay magiging host sa ASEAN Summit. So, expected po iyan. Kailangan po nating paghandaan ito. Hindi po biro ang gastos sa pagho-host,” aniya pa rin.
“At sa mga local and foreign trips, makikita rin natin na madalas na lumalabas para tignan ang seguridad, ang pagmo-monitor din po kung ano ang nangyayari sa lugar natin po, kung may baha, kung may kalamidad. At nakikita din po niyo ang kadalasang pagbiyahe ng Pangulo dahil hinihikayat niya ang ibang mga bansa na mag-invest para sa atin dito sa bansa natin,” dagdag na pahayag ni Castro.
Sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP), humirit ang administrasyong Marcos sa Kongreso ng PHP17,495,734,000 para sa nakatakdang pagho-host ng bansa sa ASEAN Summit and Related Meetings sa susunod na taon.
“Local and foreign missions, as well as state visits, are allocated a total of P1,018,304,000, which is higher than this year’s P982,649,000 budget,” ayon sa 2026 NEP. /Kris Jose