MANILA, Philippines – PINURI ni Pagulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga gurong pinoy para sa kanilang kagalingan, nangako na bibigyan ang mga ito ng suporta ng gobyerno na tila salat o kulang sa nakalipas.
Ipinahayag ito ng Pangulo matapos na makapulong ang ilang mga tagapagturo habang ini-inspeksyon ang Brigada Eskwela activities sa Bulacan.
“Ang gagaling naman ng mga teacher natin, kulang lang siguro sa suporta, susuportahan namin kayo,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang talumpati.
“Hindi lamang sa financial support, kung hindi pati na sa mga retraining. Ito nga yung binabawasan nating administrative duties, yung mga ganyang klase, para makapagturo kayo nang mabuti,” aniya pa rin.
“Sama-sama natin ayusin ito para naman yung ating mga kabataan, pag nag-graduate, talagang graduate, magaling na magbasa, magaling mag-mathematics, magaling lahat at kayang-kaya na niya kung magtutuloy sila ng college o magtrabaho sila, ready na sila,” ang pahayag ng Pangulo.
Taong 2024, may 18 milyong filipino ang nagtapos ng high school sa kabila ng pagiging “functionally illiterate,” ayon sa Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Dahil dito, nag-hire ang gobyerno ng 20,000 karagdagang guro ngayong nalalapit na school year upang masiguro na ang mga tagapagturo ay maaaring makapag-pokus sa kanilang ‘craft’ sa halip na administrative tasks.
“Teachers are the “real heroes” whom Filipinos “depend on,” ang diing pahayag ng Pangulo.
“Lagi kong pinapaalala sa ating mga kababayan, yung teacher, nagtuturo yan, naging teacher yan, hindi para yumaman, hindi para sumikat, hindi para tatakbo ng politika,” ang sinabi ng Chief Executive.
“Ang teacher, naging teacher kasi hindi makatulog yan kung hindi nagtuturo. Hindi mapakali ang teacher pag hindi nagtuturo,” ani Pangulong Marcos.
Tinatrabaho rin ng gobyerno na bigyan ang mga pampublikong eskuwelahan ng satellite internet devices upang matiyak na ang mga estudyante ay may access sa internet.
‘Gagawin natin sa mga iba’t ibang eskwelahan, lalong-lalo na doon sa mga malalayo dahil may teknolohiya na. Ito yung nakikita, yung Starlink,” ayon sa Punong Ehekutibo.
“Pwede na ‘yan, basta ikabit mo lang, isaksak mo lang, okay na, may wi-fi. Kaya mabuti naman, nandyan na yung teknolohiya,” aniya pa rin sabay sabing “Patuloy lang namin tinitignan at kailangan maghanda na tayo para sa pasukan.”
Habang mas maraming modernong teknolohiya ang ‘very much welcome’ sa anumang eskuwelahan, may ilang guro sa Tibagan Elementary School sa San Miguel, Bulacan ang umaasa para sa mahalagang pangangailangan gaya ng library o silid-aklatan at bagong mga bubong para sa silid-aralan.
“‘Yung classrom namin, may anay, mainit tapos walang kisame. ‘Yung mga bubong namin matagal na so kailangan nang palitan yung mga yero kasi tumutulo na so nasisira din yung kisame,” ang sinabi ni Aileen Mendejar, nagtuturo ng mahigit sa tatlong dekada na.
“Kapag nawalan kami ng kisame, napakainit talaga kaya yung ibang mga teacher, nagpapayong [habang nagkla-class kasi mainit,” aniya pa rin.
Umaasa naman ang eskuwelahan na magkakaroon ito ng bagong silid-aklatan at iba pang laboratoryo, ayon naman kay school principal Casimiro Reyes Jr.
“Sa ngayon po complete naman po ang mga classrooms… kaya lang ay may kakulangan kami like library and other laboratories,” ang sinabi ni Reyes.
Ang mga kisame aniya ay dapat kumpunihin dahil sa impéstasyón ng mga anay.
“Nagproprovide po ang provincial government ng pest control kaya lang po after one year, bumabalik din po ang termites,” ayon pa rin kay Reyes.
“Ngayon po medyo na-invade na nila, mahirap nang macontrol so need na talaga ng repair,” dagdag na pahayag nito.
Samantala, nakatakda namang magbukas ang klase sa June 16, inaasahan ng Department of Education ang 27 milyong estudyante ngayong school year. Kris Jose