Home NATIONWIDE PBBM sa mga botante: Pumili ng kandidato na patuloy na magtatrabaho para...

PBBM sa mga botante: Pumili ng kandidato na patuloy na magtatrabaho para sa Pinas

Sinalubong ng mga Bulakeño ang grand rally ng Alyansa ng Bagong Pilipinas sa San Jose Delmonte, Bulacan kung saan ay ipinakilala ni Pangulong Ferdinand Marcos ang kanyang 12 kandidato sa pagka-senador. Cesar Morales

MANILA, Philippines- Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga botante na pumili ng kandidato na ipagpapatuloy ang trabaho at serbisyo para sa bansa.

 “Magkaisa po tayo at mamili po tayo ng alam natin na tuloy-tuloy magtratrabaho,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati sa campaign rally ng Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas.

Sinabi ng Pangulo na ang mga kandidato na kanyang sinusuportahan sa nalalapit na halalan ay batid at may kaalaman sa trabaho sa gobyerno.

Ito aniya ang mahalaga sa public service.

“Alam na po nila, makita mo – pagka titingnan niyo po, maliwanag na maliwanag alam na po nila ang pala – ang trabaho sa gobyerno. Alam na alam nila ‘yan. Wala ng – ito ‘yung mga klaseng tao, mga klaseng nasa serbisyo publiko na hindi basta’t… Kung minsan hindi na lang nagsasalita at basta’t ginagawa na lang ang trabaho. ‘Yan po ang mahalaga,” ang winika ni Pangulong Marcos.

Nanawagan din ang Chief Executive sa mga botante na huwag makinig sa mga kandidato na walang ginawa kundi ang dumada.

“Huwag tayong nagha – nakikinig ng mga puro dada nang dada. Dapat ang hinahalal natin ay puro gawa,” diing pahayag ng Pangulo.

Aniya, ang kanyang mga kandidato ay pupunta ng Senado para makatrabaho ang ibang mga mambabatas at itulak ang mga batas na mapakikinabangan ng publiko.

“Pupunta sila sa Senado hindi upang manggulo, hindi upang magtalunan doon sa kanilang kapwa senador, kung kani-kanino pa,” pagtiyak ng Pangulo.

“Sila ay nandiyan sa Senado upang magkaisa at ipagbuo ang magagandang batas na kinakailangan ng taumbayan. ‘Yan po ang istilo ng ating mga kandidato,” dagdag na pahayag nito.

Samantala, ayon sa Commission on Elections, ang Bulacan ay kinokonsidera bilang vote-rich province na may 2,173,026 registered voters.

Present naman sa nasabing campaign rally sina dating Interior Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senator Pia Cayetano, Senator Lito Lapid, Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., former Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senator Francis Tolentino, mga dating Senador Panfilo “Ping” Lacson at Manny Pacquiao, at House Deputy Speaker Camille Villar.

Hindi naman nakadalo sa Bulacan sortie sina Senator Imee Marcos at ACT-CIS Representative Erwin Tulfo. Kris Jose