Home NATIONWIDE PBBM sa public servants: Huwag sayangin ang ating nasimulan

PBBM sa public servants: Huwag sayangin ang ating nasimulan

MANILA, Philippines- Nanawagan asi Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa public servants na panatilihin ang naging bunga o napagtagumpayan ng nasimulan ng gobyerno habang tiniyak sa publiko ang patuloy na tulong mula sa estado.

Ang pahayag na ito ng Pangulo ay isang araw matapos magbitiw si Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at vice chairman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

“Asahan ninyo na patuloy kaming maghahanap ng katugunan sa mga pagsubok na kinakaharap ng ating bansa, at magpapatupad ng mga angkop na programa at patakaran upang matikman naman ninyo ang bunga ng inyong pagsisikap,” ang sinabi ng Pangulo sa kanyang naging talumpati sa isinagawang distribusyon ng presidential assistance sa mga magsasaka, mangingisda at pamilya ng mga ito.

“Pina-aalalahanan ko ang lahat ng mga ahensya, lingkod bayan, at mga kabalikat gobyerno: Huwag nating sayangin ang ating mga nasimulan,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

Sa kabilang dako, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng iba’t ibang tulong sa halos 12,000 magsasaka, mangingisda at kanilang pamilya na labis na naapektuhan ng El Niño sa rehiyon ng CARAGA.

Sa naging talumpati ng Pangulo sa Surigao del Sur Sports Complex sa Tandag City, nangako ang Chief Executive na ide-develop at gagawing produktibo ang mga mamamayan sa lalawigan at sa buong rehiyon.

Ang rehiyon ay binubuo ng limang lalawigan kasama ang Agusan del Norte, Agusan del Sur, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.

“Gayun pa man, batid ko ang matinding [dinanas] ninyong hirap nitong nagdaang El Niño. Halos labing-dalawang libong magsasaka dito sa Region 13 [ang] naapektuhan,” ayon kay Pangulong Marcos sabay sabing, “Hinding-hindi namin [nakalilimutan] ang ating mga kababayan dito sa Surigao del Sur. Kaya po narito kami para personal na ipahatid ang tulong mula sa pamahalaan.”

“Hangarin namin na maging maunlad at produktibo ang mga mamamayan ng Surigao del Sur at ang Rehiyon ng Caraga,” aniya pa rin.

Winika pa ng Pangulo na mahigit sa P60 milyon ang ipinamahagi sa Agusan del Sur at Surigao del Sur sa pamamagitan ng Department of Agriculture at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Mayroon namang P10,000 cash assistance ang ipamamahagi sa 9,195 benepisaryo sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) program ng DSWD at isa pang P10,000 presidential assistance sa mga magsasaka, mangingisda at piling pamilya.

“Kaya naman, ikinagagalak ko pong ihatid sa inyo ang sampung libong cash assistance para sa mahigit siyam na libo na [makatatanggap] dito sa Surigao del Sur sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP ng DSWD.Magbibigay din po ang aking tanggapan ng tig-[sampung] libong piso sa mga magsasaka, mangingisda at ilang piling pamilya na masyadong apektado ng El Niño dito sa Surigao del Sur at sa Agusan del Sur,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“Ito pong tulong na ito ay ipamamahagi namin sa inyong mga lokal na pamahalaan upang maiparating sa inyo. Ang DA, ang Department of Agriculture, at saka ang DSWD ay tutulong po na matiyak na agaran itong makaabot sa inyo. Sa kabuuan ay mahigit na animnapung milyong piso ang inilaan natin para sa Agusan del Sur at sa Surigao del Sur,” dagdag niya.

Sa kabilang dako, ang Tanggapan ng Speaker of the House of Representatives ay mamamahagi naman ng limang kilo ng bigas sa mga benepisaryo sa Surigao del Sur.

“Mamamahagi din po [ng] [tig-limang] kilong bigas ang office naman ng Speaker of the House of Representatives, Speaker Martin Romualdez,” ang tinuran ng Pangulo.

Idinagdag pa ni Pangulong Marcos na ang DA ay magbibigay ng”farm machinery, equipment at credit assistance. Ang TESDA naman ay mamamahagi ng livelihood starter tool kits at training allowance sa mga benepisaryo sa Surigao del Sur. Habang ang DOLE, sa ilalim ng Integrated Livelihood Program (DILP) Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD), at Government Internship Program, ay magbibigay ng financial assistance.

“Mayroon ding inilaang mga farm machineries, equipment, at credit assistance, pautang ang DA, [at] livelihood starter tool kits naman ang galing sa TESDA para sa mga benepisyaryo mula sa Surigao del Sur.

Magbibigay din po tayo ng ayuda sa pamamagitan ng DOLE Integrated Livelihood Program o DILP, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o ‘yung programang tinatawag na TUPAD, at kasama diyan ang Government Internship Program,” ang litaniya ng Pangulo.

“Bukod dito, may nakahanda na rin tayong training allowance para sa mga nais [magsanay] sa ilalim ng TESDA,” patuloy niya.

Samantala, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga residente ng Surigao del Sur na paghandaan ang paparating na La Niña sa Oktubre, Idinagdag nito na naghahanda na ang gobyerno ng pondo at food supply sa panahon ng kalamidad.

 “Ngayon naman ay kailangan nating paghandaan ang tag-ulan na inaasahang magdadala ng higit sa normal na buhos ng ulan sa darating na buwan ng Oktubre,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Bagaman ang hiling natin ay wala nang maranasang pinsala o aberya sa panahong ito, nais kong malaman ninyo na handa ang pamahalaan kung sakali man mangangailangan tayo ng pondo at mga suplay ng pagkain sa oras ng kalamidad,” ang dagdag na wika nito. Kris Jose