
ANO pa man ang tawag, ang “peace rally” na isinagawa ng Iglesia ni Cristo kahapon ay malayo sa paglalarawan nila rito bilang tagapagsulong ng kapayapaang pampulitikal.
Linawin lang natin na hindi ito panghuhusga sa mga miyembro ng INC na bunsod ng kabutihang loob ay nagtipun-tipon at nanawagan para sa kapayapaang pampulitika at sa buong bansa.
Pero hindi maitatanggi, maging ng pamunuan ng INC, na ang konteksto ng panawagan nito para sa kapayapaan at pagkakaisa, maging ang timing, ay nagkakanulo sa tunay na dahilan at epekto ng ganoong panawagan: harangan ang mga pagtatangka sa Kongreso na patalsikin sa puwesto si Vice President Sara Duterte dahil sa alegasyon ng korapsiyon, at iba pa.
Ang Quirino Grandstand ay nagmistulang teatrong pampulitika kahapon, na mga pulitiko ang pangunahing mga manonood. Bagaman kapayapaan ang ipinagbabanduhang tema ng rally, ang mensahe ay hindi kasing linaw ng bloc-voting power nito at ang hindi mapasusubaliang reputasyon nito bilang isang armas na pulitikal.
Mismong si Senator Sherwin Gatchalian ay binanggit ang realidad na pampulitika na nakapaloob sa pagtitipon, binigyang-diin na ang ginagawang bloc voting ng INC ay magbubunsod upang “magdalawang-isip” ang mga pulitiko at opisyal ng gobyerno sa pagsuporta sa pag-i-impeach sa Bise Presidente.
Ano na nga ba ang bilang ng INC ngayon: 2.8 milyon? Walang duda ang impluwensyang ito tuwing panahon ng eleksyon, partikular na sa mga gitgitang labanan kung saan ang pag-eendorso ng sekta ay napatunayan nang mayroong malaking epekto.
Ikonsidera ang logistics ng rally nila at tasahin ang katapat na impluwensyang nagagawa ng kanilang grupo. Nagpakalat ang Metropolitan Manila Development Authority ng 1,300 tauhan, at nagpatupad ng no-day-off policy, nagpapakita kung paanong pinakikilos ang resources ng gobyerno upang mapagbigyan ang sekta sa pagpapamalas ng kanilang lakas sa aspetong pulitikal.
Ang mga curious na outsiders — tulad ng dayuhang kaibigan ko — kinukwestyon ang kakayahan ng INC na makakuha ng ganoon kabigay-todong suporta mula sa gobyerno, nagpalulutang sa mga katanungan tungkol sa tinatawag na separation of church and state.
Hindi ito ang unang beses na ginamit ng INC ang mga tagasunod nito upang protektahan ang ilang problemadong opisyal, ‘di ba? Noong 2012, nagdaos ito ng parehong rally sa kasagsagan ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona. Nang mga panahong iyon, tulad ngayon, ang pinalutang ay ang pagsusulong ng “kapayapaan” pero kalakip ng mensahe ang parehong political pressure. Mas armas yata ang datingan nito sa akin kaysa puting bandila.
Gaya ng nasabi ng kaibigan kong dayuhan: Dapat na nag-iisip-isip din ang mga Pilipino sa mga implikasyon ng ganoong mga pagtitipon at huwag magbulag-bulagan sa ‘power play’ ng religious leaders na malayang naimpluwensiyahan ang lakas ng bilang ng kanilang mga miyembro.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).