Home OPINION APAT NA PANGUNAHING PANUKALANG BATAS, PRAYORIDAD NG SENADO NA MAIPASA

APAT NA PANGUNAHING PANUKALANG BATAS, PRAYORIDAD NG SENADO NA MAIPASA

UUNAHIN ng Senado na talakayin ang apat na pangunahing panukalang batas at maipasa bago tuluyang mag-adjourn ang sesyon nito ayon kay Senate majority leader Francis Tolentino.

Senate Bill No. 2816 ang nasa unang listahan sa ikatlong pagbasa na nagtatakda ng anim na taong termino ng mga opisyal ng Barangay at ng Sangguniang Kabataan (SK) na magpapaliban sa eleksyon sa December 2025.

Nakasaad sa panukala na anim na taon na ang magiging panunungkulan ng mga nasa Ba­rangay at SK at itinatakda ang susunod na eleksyon sa ikalawang Lunes ng May 2029, at tuwing ika-anim na taon.

Si re-electionist Senator Imee Marcos ang siyang panguna­hing nagsulong ng panukala sa Senado matapos ang naging desisyon ng Supreme Court noong 2023 na nagpatibay sa Republic Act No. 11935 na nag-reset ng BSKE mula December 5, 2022 patungong October 30, 2023 kung saan nakaupo ang mga ka­salukuyang opisyales.

Sa nasabing desisyon ng SC, binigyang-diin nito na ang mga susunod na eleksyon ng BSKE ay dapat na ganapin sa December 2025 at tuwing unang Lunes ng December bawat ikatlong taon ayon sa isinasaad ng Saligang Batas. Idineklara ng Kataas-taasang Hukuman na ang mga na­unang pagpapaliban ng eleks­yon ay paglabag sa Kons­titusyon.

Nitong December 2024 ay pumasa na sa committee level ng House of Representatives ang kaparehas na panukalang ba­tas ngunit habang 12 na taon para sa Barangay ay 6 na taon lamang para sa SK.

Nakasalang din sa ikatlong pagbasa ang modernisasyon ng Philippine Institute of Volcano­logy and Seismology (PHIVOLCS).

Ayon kay Senator Tolentino, sa sunod-sunod na pag-alburuto ng mga bulkan katulad ng Mt. Kanlaon sa Negros Occidental at Negros Oriental, at Taal Volcano sa Batangas ay mahala­ga ang modernisasyon ng ahen­si­yang siyang tumututok dito.

Ang dalawa pang panuka­lang batas na isasabatas ay ang binagong charter ng Lungsod ng Baguio at ang mungkahing pensyon para sa mga empleyado ng Department of Foreign Affairs.

Muling magbubukas ang ses­yon ng Senado sa January 13, 2025 at mag-aadjourn mula February 8, 2025 hanggang June 1, 2025 upang bigyang-daan ang panahon ng eleksyon na mag­si­simula ngayong January 12, 2025 at magtatapos sa June 11, 2025.

Bukod sa apat na nabanggit, nais ni Senate president Francis Escudero na maipasa ang isa pang panukala bago matapos ang 19th Congress, ito ay ang “government rightsizing” na nag­lalayong gawing mas epektibo ang mga ahensiya ng pamahalaan, alisin ang mga pare-parehas at paulit-ulit na mga posisyon upang makatipid ang pa­­mahalaan ng tinatayang na­­sa mahigit walong bilyong piso.

Hindi kasama sa panuka­lang ito ang lehislatura, hu­di­katu­ra, constitutional com­mi­ssions, Offi­­ce of the Ombudsman, mga yunit ng lokal na pamahalaan, mga militar at uniformed personnel, gayundin ang mga posisyong may kaugnayan sa pagtuturo sa sektor ng edukasyon.