Home OPINION PERCY LAPID MURDER CASE, UNCLOSED

PERCY LAPID MURDER CASE, UNCLOSED

ANG biglaang pagkamatay nitong weekend ng puganteng si Ricardo
Zulueta — ang deputy chief jailer na isinasangkot sa planong
pamamaslang sa matapang na radio commentator na si Percy Lapid — ay
nagdulot ng mas maraming katanungan kaysa kasagutan.

Sa loob ng 15 buwan, makalipas ang pananambang sa Las Piñas City na
nauwi sa pagkasawi ni Lapid noong 2022, mistulang nakipaglaro na ang
mga awtoridad ng tagu-taguan kay Zulueta, isa sa mga pangunahing
suspek na kasapakat daw nang itinuturong utak ng krimen: si dating
Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag.

Hanggang sa bigla na lang, walang kaabug-abog, tahimik na pumanaw si
Zulueta dahil sa “heart failure” sa Bataan, kung saan kinukupkop umano
siya ng kanyang kapatid na lalaki. Ayos, ah!

Tigilan na sana ng Department of Justice, National Bureau of Investigation,
at Philippine National Police ang pagtrato sa publiko at sa media na parang
mga tanga. Sinong maniniwala na hindi nila nagawang matunton si Zulueta
sa kapatid nito?

Pero hindi na siguro nakagugulat ito kung paanong tinutugaygayan daw ng
mga awtoridad si Bantag pero hindi naman siya inaaresto at ikinukulong?
Sakali man, halimbawa, na hindi nasawi si Zulueta sa sakit pero
“pinatahimik” upang pagtakpan ang isang kawalanghiyaan, imposible na
ngayong magbunyag ng katotohanan ang isang taong patay na.

Kung iniligpit na si Zulueta para tuluyang manahimik mula sa masalimuot
na krimeng ito, karapat-dapat din sa hustisya ang kanyang pamilya. Pero
nagdurugo ang aking puso, lalo na para sa pamilya ni Lapid (Percival
Mabasa ang tunay na pangalan). Bigo ang katarungan sa usaping ito.
Kung naging tapat at maagap lang sana ang pagpapataw ng hustisya, hindi
na sana ito nauwi sa pagiging makadurog-pusong na nobela na nagtutuluy-
tuloy.

Ang pangyayaring ito ay nagbigay sa atin ng mas maraming dahilan upang
pagdudahan kung tama ba ang direksiyong tinatahak ng hustisya.
Hanggang hindi naaaresto si Bantag para sabihin, in record, ang lahat ng
kanyang nalalaman, nananatiling bukas ang kasong ito.
                             Dakpin si Mangumpit!

Samantala, ang pagkakadakip nitong weekend sa dalawang suspek sa
brutal at naka-live stream na pagpatay sa broadcaster na si Juan “DJ
Johnny Walker” Jumalon mahigit apat na buwan na ang nakalipas, ay
nagbigay ng nagniningning na pag-asa sa miserable nang kalagayan ng
katarungan sa bansa.

Pinupuri ko ang grupo ng mga pulis na umaresto sa magpinsang Boboy at
Renante Bongcawel — ang lookout at getaway driver, ayon sa
pagkakasunod — sa pagpapanagot sa kanila upang harapin na sa wakas
ang consequences ng kanilang mga ginawa.

Gayunman, huwag muna nating tapikin ang ating mga balikat sa ngayon.
Ang itinuturong gunman, si Julito Hunsay Mangumpit, na walang awang
tinapos ang buhay ni Jumalon sa live radio, ay nananatili pa ring malaya.
Isa itong nakabibinging sampal sa alaala ni Jumalon at sa bawat
mamamahayag na nagbubuwis ng buhay mailantad lang ang katotohanan
habang malayang palakad-lakad kasama natin ang pumatay sa kanya.

Ang mga awtoridad na nakatokang arestuhin si Mangumpit — ang
intelligence units ng Misamis Occidental Police Provincial Office at Police
Regional Office 10 — ay hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa.
Nananawagan din ang Firing Line sa mga posibleng kumukupkop kay
Mangumpit: isuko n’yo siya upang malinis ang inyong konsensya!
*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email
sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating
Twitter).

Previous articleMAHAHALAGANG BENEPISYO NG SSS SA MGA MIYEMBRO
Next articleMALAPAGONG KUMILOS ANG GOBYERNO