MANILA, Philippines – Nagbigay ng konsular na tulong ang Embahada ng Pilipinas sa The Hague kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos siyang maaresto at ipasa sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) dahil sa mga kasong crimes against humanity.
Naghatid ang embahada ng winter clothing, mga pamalit na damit, at care packages para kay Duterte. Nagbigay rin ang Netherlands ng dalawang-araw na visa sa kanyang nurse at aide, at 15-day visa kay dating Executive Secretary Salvador Medialdea bilang kanyang legal counsel.
Pagdating ni Duterte, kinonsulta ng ICC nurse ang personal niyang nurse tungkol sa kanyang kalusugan, at agad itong ipinarating sa ICC medical doctor para sa medical check-up.
Inayos din ng embahada na maibigay kay Duterte ang contact details ng mga opisyal ng embahada para sa anumang karagdagang konsular na pangangailangan.
Dinala si Duterte sa Scheveningen Prison bandang 7:34 p.m. matapos lumapag sa Rotterdam The Hague airport.
Nagtipon ang kanyang mga tagasuporta sa labas ng kulungan at nagpahayag ng kanilang pagsuporta.
Sa isang video bago lumapag, sinabi ni Duterte na “okay” siya at pinaalalahanan ang kanyang mga taga-suporta na huwag mag-alala. RNT