MANILA, Philippines – Nagpaabot na ng tulong ang Philippine Consulate General sa Dubai sa mga Filipino na naistranded sa paliparan ng nasabing lungsod matapos ang ibinuhos na record-high na ulan at pagbaha sa United Arab Emirates (UAE).
Sa abiso nitong Biyernes ng gabi, Abril 19, sinabi ni Consul General Marford Angeles na nakatanggap ng assistance requests ang pamahalaan mula sa 39 transiting passengers at mahigit 37 residente.
“(The Migrant Workers’ Office) Dubai has prepared food packs and provided financial assistance to OFWs (overseas Filipino workers) and other residents affected by the severe weather conditions,” ani Angeles.
“For its part, the Consulate is closely monitoring the status of stranded passengers at the airport, and checking on the welfare of those who require assistance.”
Nauna nang nagpaabot ng tulong ang Konsulada sa mag-asawang Pinoy para sa kanilang temporary accomodation sa paliparan at mabigyan ng mga pampalit.
Nagbigay din ito ng tulong sa 34 stranded Filipino students sa pagbibigay sa kanila ng makakain at inumin.
Dagdag pa rito, nagsagawa rin ang Consulate ng welfare checks sa iba pang mga pasaherong Pinoy na ang flight ay nakansela o na-delay.
Mahigit 1,000,000 Filipino nationals ang nakatira sa UAE, 70% sa mga ito ay nasa Dubai, Sharjah, Ras Al Khaimah, Umm al Quwain, Ajman, at Fujairah.
Karamihan sa assistance requests ay mula sa Dubai at Sharjah, ani Angeles.
“The unprecedented weather condition in the UAE affected most residents within the seven emirates. With the exception of a few, most areas were affected by floodwaters,” dagdag pa niya.
Matatandaang kinumpirma ng Department of Migrant Workers na tatlong Filipino ang nasawi mula sa pagbaha – dalawang babae ang nalunod sa loob ng kanilang sasakyan, habang ang isa naman ay nahulog sa sinkhole. RNT/JGC