ANO kaya ang mangyayari sa PhilHealth ngayong bilyon-bilyong pondo ang sinadyang inalis at ipinagkait dito?
Naunang inalisan ng Palasyo ang PhilHealth ng P60 bilyon ngunit hinarang ng Supreme Court ang nasa P30B sa bisa ng Temporary Restraining Order.
Ngayon naman, may panukalang nasa P74B para sa taong 2025 ngunit sinibak ito ng nakararaming miyembro ng Senado at Kongresman sa Bicameral Conference Committee.
May sariling rason ang Palasyo kung bakit ninais nitong sibakan ang kabuuang pondo ng PhilHealth ng nasa P89B.
May rason din ang mga mambabatas, partikular si Senate President Chiz Escudero, sa paggawa ng zero budget ang ahensya.
Ani Escudero, kasalanan mismo ng ahensya ang pagsibak sa panukalang pondo sa iba’t ibang kadahilanan.
Hindi ba kasama ang PhilHealth at iba pang ahensya sa pagtiyak ng zero balance sa ipinagkakaloob ng Malasakit Center na pinangunahang itayo ni Senador Bong Go?
Sapat din umano ang nasa P500 bilyong pondo nito para sa mga gastusin nito.
May nagsabi namang, bagama’t zero budget ang ahensya, hindi naman isinasara ang posibleng pagkakaroon pa rin nito ng pondo mula sa pamahalaan.
Matanong lang natin ang mga nagsibak sa pondo.
Saan ba galing ang pondo ng PhilHealth, ang pinakamalaking bahagi nito lalo na?
Hindi ba sa mga miyembro na buwanang sinisingilan ng kontribusyon?
At kung may nanggagaling man sa gobyerno, kaunti lang, na malinaw na mauunawaan kung titingnan na may P500B ang ahensya at may P74B lang sanang badyet para sa 2025.
At kahit nanggaling sa gobyerno ang pondo, bahagi pa rin ng buwis ng nakararaming mamamayan ang P74B panukalang dapat ibigay ng pamahalaan.
Bakit nga kinunan na, sinibak pa ang pondo ng PhilHealth?
Magpaliwanag ang dapat na magpaliwanag dito, lalo na sa mga maysakit na namamatay sa kakulangan ng serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan.