MANILA, Philippines – Bumili ang Pilipinas ng humigit-kumulang 1.5 milyong bariles ng crude oil mula Russia, ayon sa datos ng London Stock Exchange Group (LSEG), sa gitna ng tumataas na demand sa Asya at kakulangan sa global supply.
Ipinakita ng datos ng LSEG na dalawang cargo ng ESPO Blend ng Russia ang naipadala sa bansa, kabilang ang mga shipment na dinala ng mga tanker na Sara Sky at Tiger Wings, na parehong nagbaba ng kargamento sa Limay port sa Bataan kung saan matatagpuan ang refinery terminal.
Nauna nang naiulat ang 700,000 bariles na kargamento mula sa Sara Sky, ngunit kinumpirma ng karagdagang datos ang isa pang shipment na nagdala sa kabuuang 1.5 milyong bariles.
Sumasabay ang Pilipinas sa iba pang bansang Asyano na bumabaling sa Russian oil matapos umiwas ang mga bansang Europeo kasunod ng digmaan sa Ukraine. Sa kasalukuyan, nasa 80% ng oil exports ng Russia ang napupunta sa India at China, habang kabilang din ang Turkey sa pangunahing bumibili.
Kabilang din sa mga bansang nagpapakita ng interes ang Thailand, Sri Lanka, at Vietnam, na nagdudulot ng pangamba na maaaring lumampas ang demand sa suplay.
“Demand is high, particularly for alternative destinations. As a result, a point may come when it becomes difficult to meet additional demand,” ayon kay Dmitry Peskov.
Lalong tumindi ang pressure sa global supply matapos maantala ang daloy ng langis sa Strait of Hormuz dahil sa digmaan ng US at Israel laban sa Iran, na nagresulta sa pagkakabara ng tinatayang ikalimang bahagi ng global oil production.
Bagama’t nakinabang ang Russia sa mataas na presyo ng langis at pansamantalang sanctions waiver mula sa US para sa seaborne purchases, limitado pa rin ang kakayahan nitong mag-export matapos maapektuhan ang hindi bababa sa 40% ng kapasidad nito dahil sa drone attacks ng Ukraine. RNT