ANONG meron at humihingi ang Pilipinas ng permiso mula sa United States para makapag-angkat ng krudo o produktong petrolyo mula sa Russia?
Nag-expire na umano noong Abril 11, 2026 ang permiso ng US at kailangan ang bagong permiso.
Kaugnay nito, hindi naman binabawi ng US ang sanction o pagbabawal nito sa langis ng Russia na ibenta sa iba’t ibang bansa.
Hindi rin hinaharang ng US ang langis na isinusuplay ng Russia sa Cuba na kinukulang dahil hinaharang ng US ang nagmumula sa iba, gaya ng Venezuela.
Si Department of Energy Secretary Sharon Garin ang nagsabing hihingi ang Pilipinas ng permiso ng US.
Akala ko ba, independiyente at malayang nakikipagkasundo ang Pinas sa ibang mga bansa?
Bakit namamalimos ang Pinas ng permiso para maghanap at bumili ng langis nito sa Russia?
IMPORTASYON MULA CHINA
Samantala, lumalabas namang naglalaro sa 25-30 porsyento ng diesel at gasolina ang inaangkat ng Pinas mula sa Tsina.
Sa kabila ng pagbabawal ng China na ibenta sa ibang bansa ang mga produktong petrolyo nito, tuloy-tuloy naman ang suplay ng China sa atin.
Ayon sa ating Uzi, wala siyang naririnig na humingi ang Pinas ng permiso mula sa US.
Hmmmm, bakit kaya?
Pwede naman pala.
Sa simpleng pag-unawa sa mga pangyayari, itinuturing ng Russia at China na karibal o kaaway nila ang US kahit sa industriya ng langis at itinuturing din ng US na kaaway nito ang Russia at China.
Tanong: Bakit hindi kailangang humingi ng permiso ang Pinas sa US sa pagbili nito ng langis sa China ngunit kailangan ang permiso sa pagbili ng langis sa Russia?
Anong meron?
LIGUASAN MARSH AT PHILIPPINE RISE
Mayaman ang Pilipinas sa langis, natural gas, methane gas at iba pang katulad nito.
Naririyan ang bilyon-bilyong bariles ng langis at natural gas na matatagpuan sa Liguasan Marsh sa Maguindnao at sa Cotabat basin sa kabuuan.
Ang Benham Rise na pinangalanan ni dating Pangulong Digong Duterte na Philippine Rise nong 2017 ay mayaman din sa langis, natural gas at methane gas.
Napakalaki itong pagkukunan na nasabing mga produkto dahil may lawak na 13 milyong ektarya.
Nagtataka lang tayo na hanggang ngayon, walang ginagawa ang gobyerno para i-explore at magkalkal para magkaroon tayo ng sarili nating suplay ng langis at dagdag na natural gas sa Malampaya natural gas sa Palawan.
UMAKSYON NA, HUWAG PALAASA
Panahon na upang kalkalin ang mga yamang langis natin sa sarili nating teritoryo.
Kung gugustuhin ng pamahalaan, pwedeng maglaan ito ng sapat na pondo para simulant ito.
Kung maglabas para nakawin ng P1.3 trilyong salaping bayan kaugnay lamang ng mga ghost at marurupok na flood control projects, higit dapat na kayanin ang paglalabas ng pondo para sa pagkalkal ng langis, natural gas at methane gas sa loob ng bansa.
Magiging hamon ito sa mga susunod na panahon at kapag nagawa ang pagkalkal, malaking kaginhawaan ito para sa lahat.
Hindi natin kailangang mamamalimos ng permiso mula sa ibang mga bansa para lang magkaroon tayo ng napakahalagang sangkap para sa pagtakbo ng ating ekonomiya tungo sa ating pag-unlad.






