
MAY good news ukol sa Pinoy seamen natin.
‘Yung walong seaman na dinetine ng Malaysiay police, nakalaya na sa kulungan.
Dinetine sila Kota Tingi police station dahil sa kawalan ng pasaporte at tamang mga dokumento nang pumasok sila sa Johor, Malaysia sakay ng MT Krishna 1.
Magandang mabilis na umaksyon ang Department of Migrant Workers upang hindi sila makasuhan at mabilanggo at ang Overseas Workers Welfare Administration na nagbigay ng pangangailangan ng mga ito habang nakadetine.
Maganda ring balita na nakikoopereyt ang Licensed Manning Agency at ang may-ari ng barko, kasabay ng pagsasabi nilang tuloy ang pasahod sa mga seaman at suporta sa kanilang pamilya.
Kudos kina DMW Secretary Hans Leo Cacdac at Overseas Workers Welfare Administration Administrator Arnell Ignacio.
BAD NEWS
Kumusta naman kaya ang 20 seaman sa South Korea sa pagpapasok doon ng dalawang toneladang puro na cocaine kamakailan lang?
Natagpuan ang cocaine sa sikretong kwarto malapit sa engine room ng barkong Norwegian na nanggaling sa Mexico at dumaan muna sa Ecuador, Panama, and China bago tumuloy sa South Korea na roon na pinigil ng Sourth Korea Coast Guard.
May mga abogado nang ipinadala ng DMW at kasalukuyan pa silang iniimbestigahan.
Malulusutan kaya nila ang pinakamalaking kaso ng droga sa kasaysayan ng nasabing bansa?
South Korea ang isa sa mga bansang may pinakaistriktong batas laban sa droga at kasama rito ang pagkulong sa mga mamamayan nitong gumagamit ng droga sa ibang bansa na ligal ang pagdodroga.
Kung mapatutunayang guilty sila sa smuggling ng cocaine, anak ng tokwa, hambambuhay silang makukulong roon.
MALAKING PROBLEMA
Swerte lang nila na may moratorium simula noong 1997 sa pagbitay ngunit hindi naman binubura ang parusa at may mga hinahatulan pa rin ng mga korte roon ng bitay.
Kapag napatunayan silang guilty, pupwede pa rin silang mabitay sa oras na buhayin muli ang parusa anomang oras.
Kapag nangyari ito, ipagdasal na nating ang kanilang kaluluwa?
MALAKING PROBLEMA
Walang lumalabas na ulat ang DMW o mismo ang pamahalaang Marcos ukol sa masamang bunga sa Pinoy seamen ng giyera sa taripa sa pagitan ng United States at China na ikinadadamay ng ibang mga bansa.
Pareho ang dalawang bansa na may maraming nakatigil na barko na may biyaheng China-US dahil sa pagtigil ng kalakalan ng mga ito.
Nagdeklara ang US ng 245 porsyentong taripa laban sa lahat ng produktong China na pumapasok sa teritoryo nito habang 125% naman ang ganti ng China.
Sa huli, nagbunga ito ng ganap na paghinto ng bilihan ng mga produkto at serbisyo sa pagitan nila kaya tumigil din ang biyahe ng mga barko, maging ang mga eroplanong pangkargo.
Ang masama pa, sinisilip na rin ng US ang pagdamay sa mga barkong pagma-may-ari ng iba may koneksyon sa China at hindi imposibleng gaganti rin ang China.
Gaano na ba karaming OFW ang naaapektuhan dito at ano-ano na ang ginagawa ng pamahalaan upang maprotektahan ang Pinoy seamen, at maayudahan ang mga pamilya ng mga ito na nasa Pinas?