MANILA, Philippines- “Tantanan n’yo na ang motorcycle riders! Hindi nila kasalanan kung kinukulang tayo sa license plates, dahil responsibilidad ito ng gobyerno.”
Ito ang mariing ipinahayag ni Majority Leader Senator Francis ‘Tol’ Tolentino sa kanyang pagtutol sa plano ng Land Transportation Office (LTO) Region 7 na hulihin ang lahat ng motorcycle riders na gumagamit ng improvised or temporary license plates mula Setyembre 1.
Sa isang panayam sa radyo sa Cebu City, kinuwestyon ni Tolentino ang direktiba, lalo’t umabot aniya sa mahigit 12 milyon ang ‘backlog’ ng LTO sa pag-iisyu ng official license plates.
Susulatan ng senador si Department of Transportation (DoTr) Secretary Jaime Bautista para hilingin na rebyuhin ang kawastuan ng direktiba ng LTO Region 7 (Central Visayas).
Hihimukin din nIya ang DoTr na huwag munang maglabas ng katulad na direktiba, kasunod ng pagkakapasa ng Senate Bill No. 2555, na mag-aalis sa ‘double plate requirement’ para sa mga motorsiklo sa ilalim ng Republic Act 11235 – o mas kilala sa tawag na ‘Doble Plaka Law.’
Si Tolentino ang principal sponsor ng SBN 2555.
“Tutol ako sa pag-uutos ng LTO na hulihin ang mga motorsiklo na walang opisyal na plaka, gayung LTO rin ang may responsibilidad, kung kaya nagkukulang ito. Nananawagan din ako sa LTO Region 7 na hintayin ang pagpirma ng Pangulo sa ating ipinanukalang nag-aamyenda sa Doble Plaka Law. Huwag namang pag-initan ang motorcycle riders, lalo na ‘yung mga nasa Cebu,” diin pa nya.
Nauna rito, inihayag ni LTO Region 7 Director Glen Galario na huhulihin at pagmumultahin ng ahensya ang mga lalabag sa Memorandum Circular No. VDM-2024-2721 ukol sa paggamit ng improvised o temporary license plates mula Setyembre 1.
Dagdag ng senador, ang LTO mismo ang umamin sa isang pagdinig sa Senado na hindi pa nito mareresolba ang kakulangan sa plaka hanggang taong 2025.
Iniulat din ng ahensya na umabot sa 12,548,909 ang kabuuang backlog sa pag-iisyu ng mga plaka noong Pebrero 15, 2024. RNT