Home NATIONWIDE PNPA Class 2024 topnotcher kilalanin

PNPA Class 2024 topnotcher kilalanin

MANILA, Philippines- Pangungunahan ng babaeng kadete mula sa  Lian, Batangas ang Philippine National Police Academy (PNPA) “Layag-Diwa” Class 2024, na binubuo ng 223 kadete.

Tatanggapin ni Police Cadet Ma. Camille Cabasis ang Presidential Kampilan Award bilang valedictorian sa graduation rites sa Biyernes sa PNPA headquarters, Camp General Mariano N. Castañeda sa Silang, Cavite, na pangungunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil.

Bago pa lamang pumasok sa PNPA ay “achiever” na si Ma. Camille, nag-iisang anak na babae nina Edwin at Lucena Cabasis, na nagtapos bilang cum laude sa Batangas State University sa kursong criminology.

Pumasa rin siya sa board exam noong 2019 at naging topnotcher sa Calabarzon.

Sa isang video interview, sinabi ni Ma. Camille na nagbenta siya ng siopao upang suportahan ang kanyang pag-aaral.

Dati rin siyang Reserve Officers Training Corps (ROTC) officer noong kolehiyo.

“Hindi tayo babae lamang, kung di babae na may magagawa sa lipunan,” giit niya.

Magiging bahagi ang PNPA “Layag-Diwa” Class 2024, binubuo ng 182 lalaki at 41 babae, ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa bilang na ito, 198 ang papasok sa PNP, 12 ang manunungkulan sa BFP habang 13 ang magiging bahagi ng BJMP. RNT/SA