Home OPINION PRESIDING OFFICER SA IMPEACHMENT, DAPAT PATAS

PRESIDING OFFICER SA IMPEACHMENT, DAPAT PATAS

2
0

HINDI simpleng usaping pulitikal ang Impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Isa itong seryosong prosesong itinakda ng Konstitusyon kaya importante na ang kailangang mamuno ay may sapat na kaalaman sa batas, karanasan, at kakayahang panatilihing patas ang buong paglilitis.

Sa kasalukuyang Senado, iilan lamang ang abogado. Mahalagang konsiderasyon ito dahil hindi ordinaryong pagdinig ang Impeachment trial. Maraming ligal at konstitusyonal na tanong ang maaaring lumitaw habang umuusad ang proseso.

Ang presiding officer ay kailangang marunong tumimbang ng mga argumento, umunawa sa mga ligal na isyu, at gumawa ng mga pasyang naaayon sa batas. Sa aspetong ito, malinaw na may sapat na kakayahan si Senator Chiz Escudero.

Bukod dito, mahirap siyang ikahon bilang kakampi ng alinmang kampo. Sa mga nakalipas na buwan, nakatikim siya ng batikos mula sa magkabilang panig ng usapin. May mga tagasuporta ni VP Sara na hindi natuwa sa ilan niyang hakbang, habang mayroon ding mga sumusuporta sa Impeachment na kumwestiyon sa kanyang mga desisyon, lalo sa usapin ng pag-usad ng kaso sa Senado.

Sa isang banda, maaaring tingnan ito bilang senyales ng kanyang pagiging independent. Kung parehong may reklamo ang magkabilang kampo, mahirap sabihing kumikilos siya para lamang sa interes ng isa sa kanila. Sa halip, mas lumalabas na inuuna niya ang papel at kapakanan ng Senado bilang isang institusyon.

Nakita rin ito sa naging posisyon niya sa usapin ng “forthwith” na probisyon ng Konstitusyon. Bagama’t maraming kumontra sa kanyang interpretasyon noon, nanindigan siya sa kanyang paniniwala. Nang maglaon, kinatigan ng Korte Suprema ang naging hakbang ng Senado. Ipinakita nito na kaya niyang humawak sa isang legal na posisyon kahit hindi ito popular sa publiko o sa mga grupong may malakas na opinyon.

Matimbang din ang kanyang karanasan. Nakasaksi at nakilahok na siya sa mga Impeachment proceedings noon kaya alam niya ang bigat at sensitibidad ng ganitong proseso.

Sa huli, hindi dapat ang tanong ay kung sino ang magbibigay ng paborableng resulta sa isang panig. Ang mas tanong pa ay kung sino ang makatitiyak na magiging patas, maayos, at kapani-paniwala ang proseso.

Sa usaping iyon, si Chiz ang nananatiling isa sa pinakamabigat at pinakamakatwirang pagpipilian.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here