Home NATIONWIDE Presyo ng school supplies ‘di kontrolado ng DTI

Presyo ng school supplies ‘di kontrolado ng DTI

MANILA, Philippines – Inamin ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Martes, Agosto 8, na hindi nila tuluyang makokontrol ang presyo ng mga school supplies.

Larawan kuha ni Danny Querubin

Ito ay kasunod ng naitalang pagtaas sa presyo ng ilan sa mga produkto sa nalalapit na balik-eskwela.

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, ang magagawa nila ay ang pagkontrol at pagpaparusa sa mga violators ng suggested retail price (SRP) para sa basic necessities at prime commodities.

“Ito talaga ang nire-regulate natin, na nag-iissue tayo ng show-cause orders kapag lumampas sila sa presyo na itinakda ng DTI,” ani Castelo sa isang televised briefing.

Sinabi pa ng opisyal na ang SRP bulletin na kanilang inilabas kamakailan ay guide lamang para sa mga mamimili, ngunit nangakong patuloy nilang imomonitor ang mga tindahan na lalabag sa price threshold.

Ilang mga tindahan naman umano ang hindi nagtaas ng presyo ng mga school supply dahil ito ay mga lumang stock pa.

“Kapag balik-eskwela lang talaga siya nabibili,” sinabi ni Castelo.

“Hindi naman natin masyado mare-regulate ang presyo ng school supplies dahil seasonal product ito,” dagdag pa niya.

“Actually halos lahat ng school supplies natin tumaas na this year. Umpisahan natin yan sa notebook, pad paper, and other writing materials pati crayons, eraser, sharpener, ruler, yan tinitingnan natin yung presyo,” pagpapatuloy nito.

Larawan kuha ni Danny Querubin

Hinimok naman ni Castelo ang publiko na bumili ng school supplies mula sa mga “established” sellers upang masiguro ang kalidad ng produkto.

“Sana ang consumers natin ay medyo bumibili na lang sa mas formal na establishments kasi kung sa sidewalk, mura nga, kung sa sidewalk o saan man yan. Mura nga pero ang kalidad ay hindi tayo sigurado,” anang opisyal.

Nauna nang sinabi ni Castelo na marami sa mga school supplies ang nagmahal dahil sa pagtaas ng raw materials para rito. RNT/JGC