MANILA, Philippines – Tinuldukan na ang imbestigasyon ng Local Water Utilities Administration (LWUA) sa reklamo ng mahinang serbisyo ng Villar-owned PrimeWater Infrastructure Corporation at isusumite na ang kanilang ulat at rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay LWUA Administrator Dennis Salonga, malawak ang report na batay sa mga beripikadong reklamo at kontrata ng PrimeWater at mga water district.
Nalaman ng imbestigasyon ang mga paglabag sa joint venture agreements ng PrimeWater, tulad ng kulang na investment at kakulangan sa suplay ng tubig. Sa 73 water district na kasama sa partnership, 20 hanggang 30 ang nais kanselahin ang kanilang kontrata.
Naniniwala si Salonga na aaprubahan ni Marcos ang mga rekomendasyon para maresolba ang problema. Ngunit limitado muna ang agarang tulong tubig dahil sa mga legal na hadlang maliban kung idedeklara itong emergency.
Nangako naman ang PrimeWater ng buong kooperasyon at pagtugon upang mapabuti ang serbisyo at matupad ang kanilang obligasyon sa maaasahang suplay ng tubig.
Ipinaliwanag ng LWUA na nakipagsosyo ang mga water district sa PrimeWater dahil kulang ang kanilang kapasidad na suportahan ang lumalaking sistema ng tubig.
Tiniyak ni Salonga na malapit nang magkaroon ng solusyon para sa mga residente matapos ang masusing pagsusuri. RNT