MANILA, Philippines- Matapos ang kick off proclamation rally sa Laoag City, Ilocos Norte, sa Iloilo naman nanuyo ang 12 kandidato ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas.
Si House Deputy Majority Leader at Iloilo City Rep. Cong. Julienne “Jam” Baronda kasama ang mga Ilonggo ang siyang nanguna sa Team Sulong Gugma at sa pagsalubong kay Pangulong Bongbong Marcos at sa mga kandidato ng Alyansa.
Ang rally ay isinagawa sa Gaisano City Center sa Mandurriao district kung saan kasama ni Baronda ang ilang opisyal ng lungsod at may 50,000 Ilonggo.
“We welcome President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. and the Alyansa para sa Bagong Pilipinas slate to Iloilo City. PBBM has been making the GUGMA of the government felt and experienced by the Ilonggos through assistance (ayuda) and infrastructure projects. And we are here to welcome him and express our gratitude for what he has done and what he will still do to the people of the heart of the Philippines. We will make them feel the love of the City of Love,” pahayag ni Baronda.
Ang “Alyansa” ay kinabibilangan ng limang political parties, kasama rito ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP) at National Unity Party (NUP).
Ang Iloilo City ay kilalang balwarte ng Liberal Party ngunit walang nakikitang masama si ACT CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo kung dito gawin ang kanilang kick off rally, aniya, sa katunayan ay ilang LP members na kanilang nakausap ang nagpahayag ng kanilang pagtulong lalo pa at hindi naman buo ang 12 kandidato ng LP.
Sa panig ni Senatorial bet Camille Villar, sinabi nitong malapit sa kanya ang Iloilo dahil ang kanyang lolo ay tubong Iloilo, bagama’t hindi kilala ay dito nagsimula ang kanilang angkan bago pa nagtungo sa Maynila at nagsimula ng kanilang negosyo.
“I trace my roots back to Iloilo kaya that is why kung pagpapalain po ako talagang nais kong ipakita ang pagmamahal ko sa probinsiya kung saan nanggaling ang aming pamilya.It has been my passion, it is my strong belief and my desire to give back to Iloilo,” ani Villar.
Sa panig ni senatorial aspirant Benhur Abalos, ang pagpapalakas sa Iloilo Airport ang kanyang isusulong.
“Iyong development ng airport would really catalyze growth for the tourism sector,” ani Abalos.
Si senatorial aspirant Francis Tolentino ay susuportahan ang pagbuo ng Iloilo Capis-Aklan Expressway.
Tututukan naman ni Tulfo ang infrastracture sa Iloilo partikular ang pagtatag ng super highway upang mapalakas pa ang turismo. Gail Mendoza