Home NATIONWIDE Profiling ng mga mangaggawa sa POGO target matapos sa Setyembre – DOLE

Profiling ng mga mangaggawa sa POGO target matapos sa Setyembre – DOLE

MANILA, Philippines- Target ng Department of Labor and Employment (DOLE) na makumpleto ang nagpapatuloy na profiling ng Filipino workers na apektado ng POGO ban sa Setyembre.

Sa media briefing nitong Biyernes, nanawagan si Secretary Bienvenido Laguesma sa Internet  Gaming Licensees (IGLs) na magsumite ng kanilang listahan ng empleyado.

Sinimulan ng DOLE ang profiling ng apektadong manggagawa matapos ianunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabawal sa lahat ng POGO sa bansa sa kanyang ikatlong State of the Nation Adress (SONA)  noong nakaraang buwan.

Ayon kay Laguesma,  nilalayon ng profiling na inspeksyunin ang skill set ng mga apektadong manggagawa, kanilang sahod at job descriptions.

Aalamin din kung kailangang sumailalim ang manggagawa sa retraining at training sa ilalim ng Technical Education and Skills Develeopment Authority.

Nauna nang sinabi ni Laguesma na nasa 15,000 Filipino POGO workers sa 34 IGLs ang maaapektuhan ng pagbabawal na may hindi bababa sa 5,000 mula sa rehiyon ng Calabarzon.

Gayunman, sa huling datos ng DOLE-National Capital Region (NCR) Office, ipinakita na nasa 15,000 Filipino workers sa 41 IGLs sa rehiyon ang naapektuhan ng pagbabawal.

Una nang sinabi ng PAGCOR na may 40,000 Filipino employees mula sa kompanya ng POGO ang apektado ng ban. Jocelyn Tabangcura-Domenden