MANILA, Philippines – Tiniyak ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos na patuloy na dadaan sa masusing legislative process ang panukalang anti-disinformation bill upang mas maprotektahan ang mga lehitimong mamamahayag
Ginawa ni Marcos ang pahayag matapos lumutang ang mga pangamba ukol sa nakabinbing Digital Media Anti-False Information Act na nakatakda nang umusad sa Senado matapos maaprubahan sa Kamara.
Layunin ng panukala na tugunan ang paglaganap ng online false information na tinukoy ng mga mambabatas bilang banta sa kaligtasan ng publiko.
Ani Marcos, lehitimo ang mga naging reaksiyon at pangamba ng ibat ibang sektor ukol sa potensyal na maling paggamit ng batas.
“Those concerns are actually very valid and I understand that it might be misconstrued as something to do with censorship or using the bill to weaponize the media,” ani Marcos.
Giniit ni Marcos na sa halip na ibasura ang panukala, mas mabuting tugunan ang mga pangambang ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mas matibay na safeguards.
“I have always been a staunch supporter of the media. I always have been of the belief that media is there to provide a check, to provide part of the checks and balances of government officials,” ani Marcos.
Hinimok din niya ang aktibong partisipasyon ng media habang dinidinig ang panukala sa Senado upang matiyak na maisasama ang mga kinakailangang proteksyon sa panahon ng amyenda.
“I think what’s important is to have necessary media participation in order for those safeguards to at least, if not there already, at least be introduced either in the Senate version or during the period of amendments,” paliwanag nito.
Binigyang-diin ni Marcos na ang pangunahing layunin ng panukala ay labanan ang maling impormasyon online nang hindi sinasapawan ang mahalagang papel ng malaya at independiyenteng press.
“We are not here to censor anyone,” pagtatapos pa ni Marcos. Gail Mendoza