PANGASINAN, Philippines – Sumuko na sa pulisya ang isang pulis na pinaghihinalaang bumaril sa isang 25-anyos na magsasaka sa Pangasinan noong Abril 30.
Ayon sa Pangasinan Provincial Police Office, sumuko ang suspek sa San Carlos City Police Station bandang tanghali ng Biyernes at isinuko rin ang kanyang service firearm, magazine, at mga bala. Inilipat na siya sa Lingayen Police Station at kasalukuyang nasa kustodiya.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong frustrated murder laban sa suspek, na hindi pa nagsasabi ng motibo.
Batay sa paunang ulat, nangyari ang insidente bandang hatinggabi sa Barangay Aliwekwek habang may inuman sa isang pista. Dumating umano ang pulis at nagpaputok, tinamaan ang biktima sa dibdib at tiyan.
Isinugod ang biktima sa ospital para sa gamutan.
Tumakas ang suspek matapos ang insidente ngunit kalaunan ay nakontak ng pulisya at inutusang sumuko.
“The development sends a clear message: No one is above the law, not even members of the police force,” saad ni Lt. Col. Marceliano Desamito Jr.
“Our actions demonstrate our commitment to justice, integrity, and public trust,” dagdag pa niya. RNT/MND