Home Uncategorized Quarantine checkpoints sa NCR pinatatag ng DA vs ASF

Quarantine checkpoints sa NCR pinatatag ng DA vs ASF

MANILA, Philippines – Inatasan ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Bureau of Animal Industry (BAI) na magtatag ng livestock, poultry at meat industry inspection sites sa Metro Manila at mga kalapit na lugar upang makontrol ang pagkalat ng sakit ng mga hayop.

Sa ilalim ng Administrative Circular no. 10, ang BAI — sa pamamagitan ng National Veterinary Quarantine Services Division at sa pakikipagtulungan sa mga local government unit–ay inatasang magtatag ng quarantine checkpoints para matukoy ang mga sakit ng hayop gaya ng avian influenza at African Swine Fever.

“Ang mga inspection sites na ito ay magsisilbing pananggalang laban sa pagkalat ng mga sakit ng hayop na nagiging banta hindi lamang sa lokal na livestock at poultry industries kundi pati na rin sa kalusugan ng publiko at seguridad sa pagkain,” ani Secretary Tiu Laurel.

Ayon sa DA ang ASF na nagdulot ng matinding epekto sa industriya ng baboy simula noong 2019, ay muling lumutang sa Region IV-A. May mga panibagong ulat nang pagkalat ng ASF sa mga lugar na dating naapektuhan ng kontaminasyon.

Ang mga kaso naman ng highly-pathogenic avian infuenza ay patuloy na natutukoy at nananatiling malaking banta sa local poultry industry.

Sinabi pa sa ulat na milyon-milyong mga baboy at manok na ang pinatay upang makontrol ang pagkalat ng mga sakit na nagresulta sa bilyon bilyong pagkalugi, pagkawala ng kita, puhunan at hanapbuhay. Ang industriya ng baboy at manok ang pangunahing nagbibigay ng kontribusyon sa agrikultura.

Bukod sa pagtatatag ng inspection sites, inatasan din ang BAI na i-assess ang missing links sa quarantine wall upang masiguro ang mahigpit na border controls. (Santi Celario)