Home METRO Relokasyon sa 52 pamilya na apektado ng demolisyon sa Zambales, inihahanda

Relokasyon sa 52 pamilya na apektado ng demolisyon sa Zambales, inihahanda

SAN ANTONIO, Zambales-INIHANDA na ang relokasyon sa 52 pamilyang nawalan ng tirahan sa isinagawang demolisyon sa Sitio Talisay, Barangay Camiing sa bayang ito noong Miyerkules.

Sa kabila ng mga barikadang inilagay ng mga nakatira sa naturang lugar, hindi ito naging hadlang sa mga nagsagawa ng demolisyon base sa inilabas na writ of demolition matapos ang dalawang hatol ng korte noong Marso 26, 2019 at Hulyo 22, 2019, pabor sa may-ari ng lupa.

Naglabas din ang Korte Suprema ng isang resolusyon noong Hulyo 2020 na tinatanggihan ang petisyon ng mga nakatira na baligtarin ang mga desisyon ng mas mababang hukuman.

Noong Oktubre 18, 2021, ang mga apektadong residente ay binigyan ng korte ng makatwirang panahon na tanggalin ang mga istruktura gaya ng bahay at resort.

Lumabas ang desisyon ng korte na pumanig sa may-ari ng lupa na lisanin ng mga umukopa sa kanilang lupa at maging ang P50,000 bilang kabayaran sa lahat ng danyos nito sa abogado.

Ayon kay Cabangan Mayor Ronald Apostol, tutulong ang lokal na pamahalaan at may-ari ng lupa na ilipat ng relokasyon ang mga apektadong pamilya ganun din ay tatanggap ang mga ito ng P27,000 kada pamilya.

Aniya, hiniling na rin nito sa Department of Social Welfare and Development na ayusin ang tamang bilang mga pamilya na apektado ng demolisyon para mapalawak ang relocation site ng 2,000 square meters. Mary Anne Sapico