Home OPINION RESPONSIBILIDAD NG YAKAP PROVIDER SA PHILHEALTH CIRCULAR NO. 2025-0017

RESPONSIBILIDAD NG YAKAP PROVIDER SA PHILHEALTH CIRCULAR NO. 2025-0017

171
0

LUNGSOD NG PASIG — Sa pagpapatupad ng PhilHealth Circular No. 2025-0017, ang mga YAKAP Provider ang magsisilbing unang takbuhan ng mamamayan para sa kanilang kalusugan. Bi­lang mga opisyal na katuwang ng PhilHealth, tungkulin nilang maging matatag na ‘gatekeeper’ natitiyak na maayos na maipararating ang mga batayang serbisyong medikal sa bawat komunidad. Ngunit, ano nga ba ang eksaktong inaasahan sa isang provider?

Masusing Screening at Pag­pili – Ang pagiging YAKAP provider ay isang pribilehiyo na may kalakip na higpit. Kailangan ng masusing screening: mula sa opisyal na Registration sa PhilHealth, hanggang sa Self-Assessment kung saan dapat patunayan ng klinika na sapat ang kanilang doktor, nars, at gamot. Higit sa lahat, ang empanelment ay hindi panghabambuhay; may Performance Tracking upang ma­tiyak na tanging ang mga nagbibigay ng de-kalidad na serbisyo ang mananatili sa sistema.

Komprehensibong Serbisyo – Ang responsibilidad bilang provider ay komprehensibo. Nagsisimula ito sa Patient Profiling o pag-record ng health history ng bawat miyembro, na susundan ng Initial Clinical Assessment upang matukoy ang nararapat na gamot o test. At kung lumubha ang kalagayan, sila ang may hawak ng Navigation and Referral — ang nagsisilbing tulay ng pasyente patungo sa mga es­pesyalista o ospital para sa iba pang laboratory test na hindi sa­kop ng YAKAP.

Makabagong Sistema ng Pagbabayad – Sa ilalim ng PC2025-0017, wala na ang lumang sistema ng “per claim” na inaamag sa tagal ng bayad. Ang YAKAP ay gumagamit na ng Front-load Funding sa pamamagitan ng Ca­pitation. Ang provider ay makakatanggap ng fixed na halaga ba­wat taon para sa bawat miyembrong naka-enroll. Ang pondo ay ibinibigay sa pamamagitan ng Tranche System base sa mga naabot na milestones o dami ng napagsilbihang pasyente.

Libreng Lab at Gamot – Inu­­utos ng circular na dapat ka­yang ibigay (o may katuwang na lab) ang mga Mandatory Diagnostics gaya ng CBC, Chest X-ray, Urinalysis, FBS, at ECG. Higit dito, dapat laging sapat ang supply ng mga Gamot para sa hypertension, diabetes, at iba pang karaniwang sakit na ma­da­las pasanin ng ating mga kababayan.

Digitalization: EHR System – Obligasyon ng bawat provider ang paggamit ng PhilHealth-certified Electronic Health Record (EHR) system. Hindi na uubra ang mano-manong listahan. Ang EHR ang susi sa mabilis na pag- verify ng miyembro, automated na pagpapadala ng claims, at real-time na monitoring ng PhilHealth sa kalidad ng serbisyo ng klinika.

Ang PC2025-0017 ay isang matibay na hakbang para ilapit ang serbisyong medikal sa ma­sa.

Ngunit ang tagumpay nito ay nakadepende sa katapatan at husay ng ating mga YAKAP providers. Sa pag-intindi sa mga responsibilidad na ito, masisigu­ro nating ang pondong inilalaan ng PhilHealth ay tunay na nara­ramdaman ng bawat Pilipino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here