SA loob ng tatlong taon, apat na ang itinalagang kalihim ng Presidential Communications Office. Isa itong malinaw na indikasyon ng krisis sa liderato na dapat nang harapin ng administrasyon.
Ang tinatawag na “revolving door” policy—kung saan paiba-iba ang namumuno—ay hindi lang nakasasama sa institusyon, kundi isang banta sa mismong kakayahan ng gobyerno na makipag-ugnayan sa taumbayan.
Hindi maitatanggi: ang bawat kalihim na dumaan sa PCO ay may sariling husay at kakayahan. Ngunit bakit tila pare-pareho ang sinapit nila?
Ang sagot: hindi sila talaga ang namumuno. Ayon sa ilang dating kawani ng PCO, may isang maliit at makapangyarihang grupo sa loob ng ahensya—binubuo ng “amateurs” na siyang tunay na kumokontrol sa operasyon ng PCO. Sila ang gumagawa ng mga desisyon, sila ang humahawak sa proyekto, at sila rin ang may hawak ng daan-daang milyong pondo ng bayan.
Dahil dito, ang mga talagang itinalagang kalihim ay napipilitang makisabay o magbitiw. Nawalan sila ng kapangyarihang mamuno, at nagiging tagapirma na lang ng mga desisyong ginawa ng iba. Ang resulta? Mismong layunin ng PCO ang nasasakripisyo—ang maiparating ang mensahe ng Pangulo sa malinaw, makabuluhan, at epektibong paraan.
Kamakailan, si Jay Ruiz—isang beteranong mamamahayag—ang itinalaga bilang pinuno ng PCO. Ngunit tulad ng kanyang mga nauna, tila isa rin siyang biktima ng parehong masalimuot na kalakaran sa loob. Ayon sa mga insider, bukas si Ruiz sa anomang desisyong ipapataw sa kanya. Sa madaling salita, tanggap na niya kung siya man ay mapalitan.
Isa itong malungkot ngunit makatotohanang larawan ng estado ng ahensya. Tama po ba, Atty. Trixie, Atty. Cheloy at Boss Cesar?
Ang paulit-ulit na pagpapalit ng liderato ay hindi lamang problema ng personalidad. Isa itong sintomas ng mas malalim na isyu: ang pagkawala ng direksyon at tunay na pamumuno sa loob ng PCO.
Hindi solusyon ang patuloy na pagpapalit ng mukha sa harap ng kamera habang ang mga tunay na nagpapasya ay nananatiling nakatago ngunit makapangyarihan. Sino-sino sila?
Kung nais ng administrasyong Marcos Jr. na magkaroon ng malinaw, matatag, at epektibong komunikasyon sa publiko, kailangang tapusin na ang ‘revolving door’ policy.
Dapat bigyan ng totoong kapangyarihan ang mga itinalagang kalihim, at tapusin na ang pamamayani ng mga baguhang hindi dumaan sa tamang proseso, ngunit kontrolado ang lahat.