Home OPINION DROGA DAPAT DURUGIN

DROGA DAPAT DURUGIN

MULING inilabas ng droga ang sungay nitong nakatatakot at nakamamatay.

Ang maganda, kinilala ng pamahalaan ang boses ng bayan na nagsasabing dapat supilin din maging ang maliliit na sangkot sa pagpapalaganap nito.

Noong administrasyong ex-President Digong Duterte, kasama ang maliliit sa mga sinupil ng giyera sa droga at nagbunga ito ng tahimik at maayos na mga komunidad dahil ligtas sa mga krimen at kaguluhang likha ng droga.

Klaro naman kasing hindi mo makita, halimbawa, ang mga druglord na pumupunta sa mga barangay para magbenta at kumalap ng mga suki para maging adik at kanilang mapagkakitaan.

DALAGITA PINATAY NG ADIK

Nito lang nagdaang mga araw, isang dalagita ang pinatay sa sakal at pagdurog sa kanyang mukha saka binalot ng tarpulin at itinapon sa ilalim ng Fatima Bridge, Brgy. Fatima 1, DasmariƱas City at inaalam pa kung ni-rape ito.

Ayon sa boypren ng dalagita, tinangka rin siyang patayin ng nakilala niyang suspek.

Dati nang nakulong ang suspek sa kasong droga at hindi kaya naka-take ito sa paggawa ng krimen?

3 PATAY SA ARARO NG ADIK NA DRIVER

Sa Quezon City, may tatlong namatay at iba pa ang mga nasugatan nang araruhin ng 10-wheeler truck ang limang sasakyang SUV at traysikel sa Batasan-San Mateo road kamakailan lang.

Nang suriin ang drayber, napag-alamang may shabu sa kanyang katawan at maaaring adik ito.

Hindi kaya nawalan ito ng alertong pag-iisip dahil naka-shabu ito nang mawalan ng preno ang kanyang sasakyan?

KILLER-TULAK NANLABAN, TODAS

Sa Baggao, Cagayan, nanlaban ang suspek na pinaghihinalaang tulak sa pagpatay ng dalawang pulis na umaaksyon laban sa droga sa Bocaue, Bulacan.

Nang mamataan ng suspek ang mga pulis na naghahanap sa kanya para dakpin, bumunot ito ng baril at pinaputukan nito ang mga alagad ng batas kaya walang nagawa ang mga pulis kundi tapatan din ito ng baril.

Hinihinalang ang baril na nasamsam ay isa sa mga service firearm ng mga napatay nitong pulis-Bocaue na sina PSSg Dennis G. Cudiamat at PSSg Gian George N. Dela Cruz ng Bocaue Municipal Police Station noong Marso 8, 2025.
Salamat kina PLtCol. Noriel Lacangan, Officer-in-Charge ng Baggao Police Station Baggao Police Station, Bulacan police at iba pang mga pulis sa kanilang gawa laban sa droga.

KRIMEN AT KAGULUHAN

Malinaw na salot sa lipunan ang droga at pinagmumulan ito ng mga kalunos-lunos na krimen at kaguluhan kaya dapat itong durugin, maging ang mga nagpapalaganap nito, maliliit man o malalaki.

Katatapos lang aminin ni Pangulong Bongbong Marcos na nagbababalik ang droga kahit saan at dahil dito, kaya ginawa na ngayong patakaran ng pulisya ang paramihan ng pagdakip sa mga sangkot sa droga.

Gaya nang dati, umaalma na naman ang mga taga-human rights na siyang laging sandalan ng mga sangkot sa droga para makaligtas sa buwelta ng pamahalaan at mamamayan.

Ang giyera sa droga dapat nakatuon laban sa mga sangkot sa droga at hindi sa kanilang proteksyon sa gitna ng paggawa nila ng mga krimen at gulo na karaniwan biktima ang mga inosenteng mamamayan.