Home NATIONWIDE Rice importers kinasuhan ng BOC kasunod ng Bulacan warehouse raid

Rice importers kinasuhan ng BOC kasunod ng Bulacan warehouse raid

IBINAHAGI ng pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) na nagsampa na sila ng apat na agricultural smuggling na kaso laban sa mga rice importers na konektado sa isang warehouse sa Bulacan na dati nang sinalakay ng mga operatiba.

Ayon kay Atty. William Balayo, acting Director ng BOC Legal Service, nagsampa ng nasabing kaso noong Biyernes, Setyembre 29, ang Bureau Action Team Against Smuggling (BATAS) laban sa mga smugglers.

Paliwanag ni Balayo, bagama’t ang tatlong kaso ay itinuturing na “large-scale”, ang isang kaso ay hindi nakaabot sa PHP10-million threshold at ibinaba sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), bagama’t nasa ilalim din ito ng agricultural product smuggling partikular na dito ang bigas.

Tiniyak ni Balayo na ang BOC, sa pamumuno ni Commissioner Bienvenido Rubio, ay nagsisikap na masugpo ang lahat ng uri ng smuggling.

Sinabi ni Balayo na nakikipag-ugnayan sila sa mga naturang natuklasan sa mga naaangkop na ahensya ng gobyerno, tulad ng National Bureau of Investigation at Department of Trade and Industry.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Atty. Marlon Agaceta, chief of staff ng tanggapan ni Rubio, na mayroong apat na nakabinbing letter of authority (LOA) na ipinatupad laban sa apat na bodega na may kaugnayan sa pag-angkat ng bigas.

Para sa dalawang importer, ang deadline para sa pagsusumite ng kaukulang import documents upang ipakita ang legalidad ng importasyon at patunay ng pagbabayad ng tamang duties at taxes ay lumipas noong Biyernes, Set. 29.

Ang unang bodega ay mayroong 9,906 sako ng imported na bigas at ang isa naman ay may 5,257 sako.

Sinabi ni Agaceta na dapat bigyan ng panahon ng BOC ang kabilang partido na patunayan ang legalidad ng importasyon, na bahagi ng due process.

Nabatid na ang mga nasamsam na kalakal ay ibinibigay sa Department of Social Welfare and Development para ipamahagi sa mga mahihirap na sektor. Jay Reyes