MANILA, Philippines- Posibleng umabot sa itinuturing na all-time high na 4.7 million metric tons (MMT) ang angkat na bigas sa pagtatapos ng taon para kontrahin ang epekto ng mga natural disaster sa local palay production sa bansa.
Sa katunayan, ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI), ang aktuwal na ‘import arrivals’ ay tumama na sa 4.48 MMT hanggang noong Dec. 12.
“Sa ngayon, iyon ay tama lang dahil nakaranas tayo ng maraming problema this year.Sabi nga ni Secretary (Francisco Tiu Laurel Jr.), this is the most depressing year for agriculture because of so many calamities, both natural andtsaka iyong sa sakit. El Niño, and then, series of typhoons, La Niña,” ang sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa sa isang panayam.
Tinukoy nito ang pangangailangan para sa merkado na mag-adjust.
“Alam nila kung kailan kailangang magdagdag. The market will adjustdahil mababa iyong production, they will get those deficiency sa importation,” ani de Mesa.
Sa pagtataya ng Rice Program projects ng DA, may 19.3 MMT palay production para ngayong taon, bumaba 20.06 MMT palay output noong nakaraang taon.
Ang tinatayang import volume ay makapagbibigay ng sapat na rice stocks hanggang sa susunod na harvest season o pag-aani.
“Yung imports, good for us to have three-months supplyng bigas until next year, which will be enough to carry us out until (the) next harvest season,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, sinabi ni de Mesa na mas maraming rice imports ang idineklara bunsod ng binawasang taripa , 15% mula sa 35% at napigilan ang smuggling ng produkto.
“Dahil wala nang insentibo para sa smugglers na mag-smuggle pa dahil sa mababang taripa, ngayon pumapasok na talaga sa actual recording iyong mga pumapasok na bigas at hindi na dumadaan pa sa ibang channel,” ang sinabi ni de Mesa.
Samantala, mula nang ipalabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) 62 noong Hunyo, ang dami ng dumating na imported rice ay lumampas sa 100,000-MT level noong Hunyo at Hulyo, na may ‘highest arrivals’ na naiulat noong Oktubre na may 572,073 MT.
Para sa ‘first half’ ng Disyembre, nakapagtala ang BPI ng 158,988 MT ng imported rice. Kris Jose