Home NATIONWIDE RTC clerk sibak sa paghingi ng pera sa isang partido sa kaso

RTC clerk sibak sa paghingi ng pera sa isang partido sa kaso

MANILA, Philippines – Sinibak ng Korte Suprema ang isang clerk ng Regional Trial Court dahil sa paghingi at pagtanggap ng pera mula sa magulang ng isang litigante kapalit ng paghahanap sa kanila ng abogado mula sa Public Attorney’s Office.

Sa isang resolusyon ng En Banc ng Korte Suprema, hinatulang guilty sa gross misconduct si Gerald Eric F. Sanchez, Clerk III ng RTC, Cabuyao City, Laguna. Bukod sa pagtanggal sa kanya sa trabaho, habambuhay din siyang diniskwalipika sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

Si Sanchez ay sinampahan ng reklamo ng ina ng isang akusado sa isang nakabinbing kasong kriminal matapos mangako at mabigo na tutulungan sila sa kanilang mga kaso kapalit ng P100,000.

Pinaimbestigahan din siya ng isang trial court judge dahil sa mga ulat ng pagiging “fixer” ng mga kaso.

Dahil sa kanyang sadyang paglabag sa Code of Conduct for Court Personnel, si Sanchez ay tinanggal sa pwesto. Sumang-ayon ang Korte sa mga natuklasan ng Judicial Integrity Board, na nagpasya na sa kabila ng kanyang mga pagtanggi, si Sanchez ay tumanggap nga ng pera para sa kanyang personal na pakinabang.

Ayon sa Canon IV, Section 5 ng Code of Conduct for Court Personnel, ang mga tauhan ng korte ay hindi dapat magrekomenda ng mga pribadong abogado sa mga litigante, mga prospective na litigante, o sinumang nakikipag-ugnayan sa Hudikatura. Higit pa rito, bilang Clerk III, si Sanchez ay hindi pinahihintulutan na mangolekta o tumanggap ng pera mula sa sinumang litigante. Teresa Tavares