Home OPINION SAMPAL SA JUSTICE SYSTEM

SAMPAL SA JUSTICE SYSTEM

SA isang iglap, si Dr. Winston Casio ay dati na lang ngayong tagapagsalita ng Presidential Anti-Organized Crime Commission. Ang malala, iniimbestigahan na siya kasunod ng pagba-viral ng video kung saan naaktuhan ang pananampal niya sa isang POGO worker.

Sinabi ni Mr. Casio, labis niyang pinagsisisihan ang kanyang nagawa; pero bilang depensa, ikinatwiran niyang minura raw kasi sila at pinakitaan pa ng dirty finger ng POGO worker. Gayunman, ang viral video, at ang mga dumagsa ritong komento ay hindi pumabor sa kanyang depensa.

Maaaring sabihin ng ilan na nakakalubag ng damdaming makita ang mabilis na gulong ng hustisya ngayong agad na sinibak sa puwesto si Dr. Casio bilang parusa sa kanyang ginawa. Pero magpakatotoo nga tayo: paano natin nagagawang papurihan na may nanagot sa insidenteng ito, habang malayang pagala-gala ang mga nasa likod ng napakaraming brutal na pagpatay sa digmaan kontra droga, protektado ng katwiran nilang ang mga pinatay daw ay “nanlaban”?

 Sa totoo lang, maaaring sabihin na, sa wakas, napanagot na ang may sala, pero hanggang hindi lahat ng pang-aabuso sa kapangyarihan ay nilapatan ng parehong kaparusahan, ang hustisyang tinatamasa ay masasabing para lang sa iilan kaysa pangkalahatan. Ito ang tunay na sampal sa ating justice system.

 Paglilinis ng mga ilog

 Saludo tayo sa San Miguel Corporation (SMC) sa epektibong hakbangin nito laban sa pagbabaha sa Luzon sa pamamagitan ng inisyatibo nitong Better Rivers Ph. Simula 2020, nagawang malinis ng SMC ang 136 na kilometro ng ilog, hinukay at hinakot ang walong milyong tonelada ng dumi at basura — nang walang ginagastos ang gobyerno kahit piso.

Puntirya ng makasaysayang inisyatibong ito ang mga pangunahing daluyan na delikado sa pagbabaha, gaya ng mga ilog ng Tullahan, Pasig, San Juan, at Pampanga.

Sa pinakahuli, noong Agosto hanggang Oktubre, nilinis ng SMC ang 8.15 kilometro ng Pampanga River, tinanggal ang mahigit 500,000 tonelada ng mga dumi at debris. Ang resulta? Sinabi ng mga lokal na opisyal sa baybaying munisipalidad ng Macabebe na mas mabilis na ngayong humupa o mawala ang baha sa kanilang lugar kahit malakas ang ulan at may high tide.

At sa tulong ng pag-iintindi ng SMC boss na si Ramon S. Ang sa kinabukasan, nangangako ang inisyatibong ito na hindi lang paglilinis ang mangyayari. Dahil ang malakas na pag-ulan ay nagdudulot ng panibagong pamumuo at pagtambak ng mga dumi, babalikan ng corporate giant ang nalinis na nitong mga ilog, gaya ng Tullahan at Pasig.

 Saludo ang Firing Line sa mga kompanyang sumusuporta sa pangangalaga at pagbibigay-proteksyon sa kalikasan.

Kaya congratulations sa SMC sa pagsisiguro na ang mahahalagang daluyan na ito ay mananatiling bukas at gumagana. Ito ang tunay at mahusay na corporate responsibility — isang halimbawa ng commitment at impact na dapat na magsilbing inspirasyon at gayahin ng iba pang mga kompanya.

                               *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).