Home NATIONWIDE SC pinayagan na video conference para sa child witnesses

SC pinayagan na video conference para sa child witnesses

10
0
Supreme Court

MANILA, Philippines — Pinayagan na ng Supreme Court (SC) ang paggamit ng video conferencing, recorded interviews at iba pang teknolohiya upang maprotektahan ang mga batang kailangang magbigay ng testimonya sa korte.

Inaprubahan ng SC ang Revised Rule on the Examination of Child Witnesses (RRECW), na nag-update sa mga patakaran sa pagkuha at pagpresenta ng testimonya ng mga bata.

Sa ilalim ng bagong patakaran, maaaring payagan ng korte ang isang bata na tumestigo sa pamamagitan ng video conference mula sa labas ng courtroom kung ang personal na pagharap ay maaaring magdulot sa kanya ng trauma.

Maaari ring limitahan kung sino ang makikita o maririnig ng bata habang nagbibigay ng testimonya, kabilang ang akusado, ngunit mananatiling protektado ang karapatan ng akusado na harapin ang witness.

Kung kailangang tukuyin ng bata ang akusado, maaaring pansamantalang i-on ang camera nito o ipakita ang kanyang larawan sa screen.

Kung hindi naman kayang tumestigo ng bata sa korte o sa pamamagitan ng video conference dahil sa disability, kondisyon sa kalusugan o iba pang dahilan, maaaring kunin ang kanyang testimonya sa electronically recorded deposition.

Isasagawa ito sa presensya ng hukom at mga abogado ng magkabilang panig at maaaring gamitin ang recording kapalit ng personal na testimonya sa korte.

Pinapayagan din ng bagong rules ang paggamit ng recorded interviews na isinasagawa ng team ng mga propesyonal.

Maaaring tanggapin bilang ebidensiya ang recording o transcript kung ang mga tanong ay neutral, open-ended, angkop sa edad at trauma-informed, at hindi nagdidikta ng sagot sa bata.

Hindi rin maaaring pilitin ang bata na humarap sa korte at hindi siya dapat naroroon kapag nagpapakita ng sexually explicit materials.

Mananatiling confidential ang mga rekord na may kinalaman sa mga bata, at maaaring ma-contempt ang sinumang maglalathala o magpo-post ng mga ito nang labag sa mga patakaran ng korte.

Saklaw ng revised rules ang mga batang biktima ng krimen, children in conflict with the law at iba pang child witnesses sa lahat ng kaso. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here