Tuwing Mahal na Araw ay ginugunita ng mga Kristiyano ang sakripisyo ni Hesus para mailigtas ang sangkatauhan. Pagkakataon ito para sa marami na pagnilayan ang mga kasalanan at pahalagahan ang grasya ng Diyos sa araw-araw.
Sa Pilipinas, karaniwang kasabay ng Semana Santa ang “dry season” o tag-init. Kaya naman, ang nakaugalian nang walang pasok sa mga eskwela at trabaho ay nagiging oportunidad ng mga Pinoy para bumisita sa ibang lugar at maglaan ng oras kasama ang pamilya at mga mahal sa buhay.
Narito ang ilang lokal na destinasyon na patok tuwing Semana Santa:
-
Ilocos Norte at Ilocos Sur– Popular na destinasyon ang mga lalawigang ito dahil sa magandang paligid at mga lumang simbahan, na itinayo pa noong panahon ng mga Espanyol. Kaya naman, mainam itong bisitahin para sa Visita Iglesia.
-
Batanes– Matatagpuan ito sa hilaga ng bansa at binansagang “New Zealand of the Philippines” dahil sa magagandang tanawin dito. Hindi lamang makapagninilay ang sinumang bibisita sa probinsya, tiyak na mamamangha rin sa likas na yamang taglay ng probinsya!
-
Marinduque– Kasabay ng Mahal na Araw ang pagdiriwang sa lugar ng Moriones Festival, kung saan inilalarawan ang “Legend of Longinus.” Kwento ito tungkol sa isang bulag na Roman Centurion na tumusok sa katawan ni Kristo at nagbalik ang paningin dahil sa dugo ni Hesus.
-
Intramuros– Para naman sa mga nais na pumasyal sa Manila, isa sa mga pinakapopular na destinasyon ang Intramuros. Bukod sa hindi ito magastos puntahan, tunay na nakaaaliw tingnan ang mga lumang imprastraktura na nagsisilbing paalala ng ugat ng Kristiyanismo sa Pilipinas– na tanyag sa pagiging “Asia’s largest Catholic country.”