Home HOME BANNER STORY Biyernes Santo: Kapatawaran hanggang sa dulo

Biyernes Santo: Kapatawaran hanggang sa dulo

Karaniwan nang galit ang nararamdaman ng tao kapag nasaktan ng kapwa. Maaaring sabihin ng iba na ang magiging tugon nila ay paghihiganti, subalit para Kay Hesus, sa puntong labis na ang paghihirap ng Kanyang pisikal na katawan at damdamin, isa lamang ang hiniling Niya– patawarin ang mga makasalanan.

Sa huling sandali ng Kanyang buhay ay isinakatuparan ni Kristo ang Kanyang misyong magkatawang-tao upang iligtas ang sangkatauhan. Bagama’t sila mismo ang nagpako sa Kanya sa krus, ibinuhos Niya ang pagmamahal at kapatawaran na hindi karapat-dapat para sa mga tao.

Narito ang mga huling salita na binitawan Niya:

“Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.”

“Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, ipinako nila sa Krus si Hesus. Ipinako rin ang dalawang salarin, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Sinabi ni Hesus Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”(Lucas 23:33-34)

“Sinasabi ko sa iyo, ngayon din ay isasama kita sa paraiso.”

Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasaMa, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi niya, “Hesus alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa paraiso.” (Lucas 23:39-43)

 “Babae, masdan mo ang iyong anak. Anak, masdan mo ang iyong ina.”

Nakatayo sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae nitong si Maria na asawa ni Cleopas. Naroroon din si Maria Magdalena. Nang makita ni Hesus ang kanyang ina, at ang minamahal niyang alagad sa tabi nito, kanyang sinabi, “Babae narito ang iyong Anak!’at sinabisa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, siya’y pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay. (Lucas 19:25-27)

“Diyos ko, Diyos ko, bakit naman ako ay iyong pinabayaan.”

At nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. Nang mag-iikatlo ng hapon” si Hesus ay sumigaw,”Eli Eli,lema sabachthani?” na ang ibig sabihi’y Diyos ko Diyos ko bakit naman ako’y iyong pinabayaan?” (Markos 15:33-34 )

Ako’y nauuhaw.”

Pagkatapos nito alam ni Hesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako.” (Juan 19:28)

“Naganap na.”

May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa kanyang bibig. Nang masipsip ni Hesus ang alak ay kanyang sinabi, “Naganap na!” (Juan 19:29-30)

“Ama, sa iyong mga kamay ay inihahabilin ko ang aking kaluluwa.”

Nang mag-iikalabingdalawa ng tanghali, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon. Nawalan ng liwanag ang araw; at ang tabing ng templo’y napunit sa gitna. Sumigaw ng malakas si Hesus, “Ama sa mga kamay mo’y inihahabilin ko ang aking kaluluwa!” (Lucas 23:44-46).

Sa panahong ito na laganap ang kasamaan sa mundo, maaaring naitatanong natin minsan sa ating sarili kung may kapatawaran pa ba ang mga kasalanang nagagawa natin o ng ating kapwa. Subalit, ipinakita ng Diyos na sa kabila ng lahat ng pagkukulang natin, mangingibabaw ang pagmamahal at pagpapatawad.

Ikaw, kaya mo bang  magpatawad sa nagkasala sa iyo? RNT

Previous articleSemana Santa: Pagninilay, paglalakbay
Next article7 Visita Iglesia Destinations, alamin!