Home OPINION SI SHERIF TETESTIGO SA IMPEACHMENT NI VP SARA?

SI SHERIF TETESTIGO SA IMPEACHMENT NI VP SARA?

2
0

HABANG papalapit ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, lalong umiinit ang usapin hindi lamang sa mga reklamong isinampa kundi pati sa mga testigong nais iharap ng prosekusyon. Isa sa mga umani ng pansin ay ang planong pagtestigo ng court sheriff na sinapak noong 2011 ni VP SARA noong alkalde pa lang siya ng Davao City.

Hindi kaya naghahanap na rin ng testigo ang prosecution noong grade school pa lang si VP Sara kung may inaway siyang kaklase. Accountability pa rin kaya ito?

Kung naging kagawad o kapitan ang Pangalawang Pangulo, malamang ay isama ng prosecution ang ano mang makikita nilang “bala” laban sa bise presidente.

Ano ba ang nililitis? Ang panunungkulan ba niya bilang Bise Presidente o ang buong nakaraan ng isang tao?

Ang impeachment ay isang natatanging proseso sa ilalim ng Konstitusyon. Layunin nitong alamin kung may nagawang impeachable offense ang isang opisyal habang siya ay nanunungkulan sa isang impeachable office.

Under the 1987 constitution, an impeachable officer like the vice president is generally ONLY LIABLE FOR IMPEACHABLE OFFENSES COMMITTED WHILE HOLDING THE IMPEACHABLE OFFICE. Not for acts before HOLDING the IMPEACHABLE office.

Pero para sa prosecution kahit ano ipupukol kay Sara dahil ginagamit nila ang impeachment trial para sa kanilang pulitika.

Kung ang mga pangyayaring nangyari bago pa man maupo bilang Bise Presidente ay gagawing pangunahing ebidensya, hindi ba’t nalalayo na tayo sa tunay na layunin ng impeachment?

Natural lamang na maghanap ng mga testigo ang prosekusyon. Bahagi iyon ng kanilang tungkulin. Ngunit tungkulin din nilang tiyakin na ang kanilang mga ihaharap na ebidensya ay may malinaw na kaugnayan sa mga artikulo ng impeachment.

Kasi kung hindi, maaaring mabuo ang pananaw ng publiko na ang proseso ay nagiging entablado ng pagpapakita ng lahat ng negatibong isyu laban sa isang personalidad, sa halip na isang patas na paglilitis batay sa batas.

Ang impeachment court ang siyang magpapasya kung alin sa mga testigo at ebidensya ang may legal na halaga at kaugnayan sa kaso. Dito masusubok kung mananaig ang rule of law o ang ingay ng pulitika.

Anuman ang ating panig, hindi dapat gawing paligsahan ang impeachment kung sino ang mas maraming maihaharap na kontrobersiya. Hindi rin ito dapat maging instrumento upang sirain ang pagkatao ng sinoman sa pamamagitan ng mga usaping walang direktang kaugnayan sa reklamong dinidinig.

Sa huli, ang tunay na panalo ay hindi ang prosekusyon o depensa. Ang tunay na panalo ay ang sambayanang Pilipino kung ang magiging pasya ay ibabatay sa ebidensya, sa Konstitusyon, at sa due process at hindi sa emosyon, haka-haka, o pulitika.

Kapag ang impeachment ay naging sandata ng pamumulitika at mekanismo ng pananagutan, tiwala ng taumbayan sa ating mga institusyon ang pinakamalaking talo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here