ISANG linggo na ngayon matapos ang ‘formal diplomatic protest’ ng China sa ginawang pambabastos ni Philippine Coast Guard Commodore Jay Tarriela kay Chinese President Xi Jinping, sa harap ng mga estudyante sa isang forum sa De Lasalle University noong Enero 14.
Isang linggo na ngayon at nakabibinging katahimikan ang sagot ng goberyeno—Department of Foreign Affairs, Philippine Coast Guard at National Security Council—sa protesta ng China.
Sa halip na “busalan,” pinabayaan pa nga si Tarriela na “diinan” ang kanyang kabastusan sa pagbanggit niya sa ‘Vienna Convention’ na gumagabay sa trabaho at asal ng mga ‘diplomat’ sa kanilang kina-aanibang bansa.
Ang “katwiran” ni Tarriela? “Wala kayo (China) sa posisyong magreklamo dahil “bisita” lang namin kayo. Gagawin namin ang gusto namin at wala kayong magagawa!
Kaya ang “mensahe” sa lahat? Basta “upak” sa China, okay lang, sa ating gobyerno!
Pero teka. ‘Two can dance the tango,’ wika nga.
Paano naman kaya… kung sa mga ‘university forums’ sa China, ipakita naman ang ‘caricature’ ni Pangulong Bongbong Marcos na “sumisinghot” o si Secretary Gibo Teodoro na hawak ang watawat ng Malta para ipakita na isa siyang pekeng Pinoy, matutuwa kaya tayo?
Paano kung… magprotesta tayo at “isupalpal” din ng China ang Vienna Convention sa mukha ni DFA Secretary Theresa Lazaro at PBBM?
Kung hindi pa talaga “bumabaon” sa utak ng mga “tolongges” sa gobyerno, walang halaga ang ‘Pinas sa China at ‘Pinas ang “nakasandal” sa China. Dito tayo nagbebenta ng ating mga produkto at ‘Made in China’ ang nagpapatakbo sa ating komersyo at industriya.
Nagpakahirap din sina Lazaro at Department of Tourism Secretary Christina Frasco para muling pabalikin sa bansa ang mga ‘Chinese tourists’ dahil bilyones ang tulong nila sa ating ekonomiya.
Eh, paano sila darating kung alam nila na sa ‘Pinas, kahit isang “kamote” lang sa Coastguard, may “kapangyarihan” na bastusin ang presidente nila?
Kung lider nga nila, binabastos nang harapan, sila pa kaya sa kamay ng mga “mas kamote” pa kay Tarriela?
Isa lang naman ang solusyon dito—sibakin na si Tarriela!
Abangan!






